Marcos, itinulak ang dagdag na benepisyo para sa guro sa eleksyon sa Mayo 2016

Read the English version.

Itinulak ngayon ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagbibigay ng karagdagang benepisyo para sa mga guro na magsisilbi sa May 2016 elections sa harap ng hindi pagdaragdag ng Commission on Elections sa kanilang honorarium.

Sinabi ni Marcos na dahil sa pagpapanatili ng Comelec sa P4,500 na honorarium para sa mga public school teachers na magsisilbi bilang Board of Election Inspectors (BEIs) sa election sa May 2016, dapat ay bigyan sila ng karagdagaang non-monetary benefits katulad ng insurance coverage at iba pang benepisyo upang protektahan sila at ang kanilang mga pamilya.

“Minamandato ng batas na ang mga public school teachers ay magsilbi sa pamamagitan ng pangangasiwa ng eleksyon haggang sa pagsasara ng mga polling precincts. Sa kabila ng mga panawagan ng pagtaas sa kanilang P4,500 honorarium, hindi ito naitaas ng Comelec at pinanatili na katulad ng kanilang natanggap noong 2013 midterm elections.”

Sinabi ni Marcos na ang mga guro na magtatrabaho sa election ay dapat may compulsory insurance coverage para masiguro na sila ay may sapat na proteksyon sa eleksyon. Dinagdag ni Marcos na nanganganib ang buhay ng mga guro tuwing eleksyon dahil sa trabahong ginagawa nila.

“Ang ating mga guro ang humaharap sa mga panganib tuwing eleksyon. Hinaharap nila ang mga pananakot tuwing voting at canvassing at madami sa kanila ang nasasaktan, naha-harass at minsan sila pa ay namamatay sa pagtupad ng kanilang tungkulin.”

Nirekomenda ni Marcos na napapanahon na sila ay bigyan ng karagdagang benepisyo upang sila ay makatanggap ng karampatang proteksyon na dapat at mapasakinala.

Dinagdag ni Marcos na bukod sa insurance, nararapat din magkaroon ng medical benefits ang mga guro upang masiguro na sila ay makabawi sa pagod at puyat dahil sa election, “Nagsisilbi ang ating mga guro ng 24 na oras na diretso kapag election na makakapagdulot sa kanila ng sakit. Bigyan sana sila ng libreng medical check-up, gamot at mga bitamina upang tulungan silang gumaling.”

Sinabi pa ni Marcos na dahil may mga gurong nahaharap sa kaso ng dahil sa elekyon, responsibilidad ng Comelec na sila ay bigyan ng sapat na tulong legal, “Isa sa mga nirereklamo ng mga guro na nakukuha ko ay nahahabla sila pagkatapos ng eleksyon pero mag-isa lamang silang humaharap sa kaso. Dapat ay siguraduhin ng Comelec na meron silang abogado at tulong legal.”

Diniin ni Marcos ang hindi matatawarang papel ng mga public school teachers sa eleksyon na sapat na bigyan ng gobyerno ng importansya. “Hindi natin matatawaran ang ginagawa ng ating mga guro para sa demokrasya ng ating bansa kaya naman dapat lamang na suklian natin ang kanilang mga sakripisyo sa pamamagitan ng agarang pagbibigay sa kanila ng kanilang honorarium at benepisyo,” sabi ni Marcos.

Back to Blog