Marcos: Dagdag na umento sa sahod sa gobyerno, matutulad sa SSS pension hike?

Nagpahayag ng pangamba si Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na maaring matulad ang panukalang Salary Standardization Law (SSL) sa na-veto na dagdag na umento sa Social Security System (SSS) pensyon dahil tinutulan umano ng Malacañang ang pagbibigay ng dagdag na pensyon sa mga retiradong sundalo at iba pang unipormadong kawani ng gobyerno.

Nanawagan din si Marcos sa mga kasamang mambabatas na isantabi ang pulitika para makahanap ng solusyon para maayos ng bicameral conference committee at maipasa ang sa panukalang dagdag sweldo para sa may 1.5 milyong empleyado ng gobyerno.

Ginawa ni Marcos ang panawagan kasunod ng ulat na isang miyembro ng Senate panel ang nagpahayag ng hinala na Malacañang ang nasa likod ng pagharang ng House panel sa provision para sa “indexation” o dagdad na pension para sa retiradong militar, pulis at iba pang nasa uniformed services.

“Sana naman ay isantabi natin ang pulitika at maghanap ng solusyon para sa ganun ay maibigay na natin sa mga mangagawa sa gobyerno at mga retirado ang benepisyong karapat-dapat nilang matanggap,” ani Marcos.

Subalit iginiit ni Marcos na kasama sa dapat gawin ay ang paraan na isama pa rin ang indexation para sa kapakanan ng mga taong inilaan ang kanilang buhay at humarap sa panganib para masiguradong tatamasahin natin ang lahat ng ating karapatan at ang payapang buhay.

Ayon kay Marcos kabilang sa mga mabibiyayaan sa panukalang indexation, partikular ang Association of Generals and Flag Officers (AGFO), ay isa sa mga tumutuligsa sa kasalukuyang administrasyon sa ilang isyu kabilang na dito ang Mamasapano massacre at ang Bangsamoro Basic Law.

Ang posisyon ng Malacañang sa panukala, na suportado ng House panel, ay walang sapat na pondo para maipatupad ang indexation.

Aabot sa P57.9 bilyon ang inilaan sa ilalim ng P3 trilyong 2016 national budget para sa unang taon ng SSS-4. Umano’y aabot sa pagitan ng P19-P21 bilyon pa ang kailangan para mapondohan ang unang taon ng indexation ng retiradong mga pulis at militar.

Sa kabila nito naniniwala si Marcos na pwedeng mahanapan ng solusyon ang naturang problema kung may basbas lamang ito ng Malacañang.

“Parang hindi interesado ang Malacañang na makahanap ng solusyon at patuloy na hinaharang ang mga panukalang magbibigay ng kaunting ginhawa sa ating mga mamamayan,” ani Marcos.

Tinukoy ni Marcos na kamakailan lamang ay na-veto ng Presidente ang panukalang dagdag P2,000 sa pensyon ng mga retiradong miyembro ng Social Security System. Hinarang din ng Palasyo ang panukalang bawas sa buwis, na karamihan sa makikinabang ay mga ordinaryong manggagawa.

“Nakakapagtaka kung bakit hindi pinagbigyan lahat yan dahil malaki ang maitutulong nito sa ating mga kababayan,” ani Marcos.

Back to Blog