Maraming nagtaasang kilay sa P13 bilyong budget ng DILG

Classic talaga ang panukalang badyet para sa 2015. Bakit ‘kamo? Kasi nilagyan ng bilyung-pisong pondo ang tanggapan ni Sec. Mar Roxas ng Department of Interior and Local Government para sa mga programang ibang ahensya ang magpapatupad.

Noong Lunes ng gabi (Nobyembre 24), binusisi natin ang halos P13-bilyung pondong ito na inilagak ng Department of Budget and Mangament sa opisina ni Sec. Mar. Kaharap siya mismo sa ating interpellation sa DILG budget at siya ang nagbubulong kay Sen. Chiz Escudero na siyang sponsor ng DILG budget ng sagot sa ating mga tanong.

Ano ang kataka-taka rito? Una, ang pondo ay gagastusin sa mga proyektong wala naman sa tunay na “job description” ng DILG. Ikalawa, sa office nga ni Sec. Mar ito inilagay. At ikatlo, 79 porsyento ito ng kabuuang badyet ng office ni Sec. Mar na P15,937,383,000.

Hindi natin masisisi ang mga humuhugot ng aliw sa political circus ng bansa kung buskahin man nila si Sec. Mar na ang nakakalulang pondo ay para sa kanyang kandidatura sa 2016 sa pagka-presidente.

Sa P12,702,213 na pondo, ganito ang hatian:
1. Performance Based Challenge Fund – P1,000,000,000
2. Enhancement of LGU (Local Gov’t Unit) Capacity on Climate Change Adaptation and Disaster Risk Management Framework – P76,000,000
3. Payapa at Masaganang Pamayanan Program (PAMANA) – P3,143,743,000
4. Potable Water Supply Program: Sagana At Ligtas na Tubig sa Lahat (SALINTUBIG) – P1,572,730,000
5. Housing Program for Informal Settler Families (ISF) – P1,244,606,000
6. Grassroot Participatory Budgeting Program – P5,665,134,000

Kahit saang anggulo tingnan, sablay ito dahil ang mandato ng DILG ay subaybayan ang mga local government unit. At kung ito ang papel ng DILG, wala dapat dito ang pondo.

Halimbawa na lang ang programang potable water ng SALINTUBIG. Ito ay ipatutupad ng Local Water Utilities Administration (LWUA).

Isa pa ang PAMANA na gagawa naman ng mga kalsada at iba pang imprastraktura sa mga “conflict-affected areas.” Ang sabi ng DILG ang magtutukoy ng mga akmang proyekto ay ang Office of the Presidential Adviser on the Peace Process (OPPAP). ‘Yun naman pala pero bakit ang pondo ay nasa DILG?

Ang resettlement ng mga informal settlers ng ISF ay tungkulin ng National Housing Authority. Pero ang badyet ay sa office ni Sec. Mar.
‘Yung sa climate change may pondo para raw sa training. Ano ang kinalaman dito ng DILG? Hindi ba Departnment of Environment and Natural Resources ang eksperto rito?

Simplehan na lang natin. Ilagay ang pondo sa DPWH para sa imprastraktura, sa NHA at DPWH para sa housing, at sa DENR para sa climate change training. Tutal, ang mga ahensyang ito ang magpapatupad at ‘yung iba ay LGUs. Halos monitoring lang naman ang papel ng DILG.

Ang paliwanag ni Sec. Mar ay may legal basis naman daw ito at ginagawa na ito bago pa siya maupo. Convincing o lumiliwanag na siya na raw talaga ang kandidato ng Palasyo?

Ang 2015 proposed budget ba ay transparent? ‘Yan ang pinakamalaking tanong.

This article was published in Bulgar on 26 November 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog