Makasaysayang kasunduan ng PH-Indonesia isusulong para susugan ng Senado

Isusulong ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. chairman ng Senate Foreign Relations sub-committee on the Philippines-Indonesia Delimitaton of the Exclusive Economic Zone (EEZ) Boundary na susugan ng Senado ang makasaysayang maritime treaty sa pagitan ng dalawang bansa.

Matapos ang 20 taong negosasyon pinirmahan noong May 23, 2014 ang naturang treaty na nagtatakda ng boundary sa pagitan ng EEZ ng dalawang bansa, partikular sa Mindanao Sea at sa Celebes Sea. Para maipatupad ang treaty kailangan itong susugan sa pamamagitan ng 2/3 boto ng lahat ng miyembro ng Senado.

“Napakahalaga ng kasunduang ito sa pagitan ng ating kapit-bansa na Indonesia. Sa lalong madaling panahon ay ii-sponsor ko na ito para masusugan ng buong Senado,” ani Marcos pagkatapos ng pagdinig sub-committee sa naturang maritime treaty.

Ang EEZ ay isang lugar sa karagatan na itinakda sa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) kung saan may eksklusibong karapatan ang isang bansa para sa exploration at paggamit ng marine resources. May sukat itong 200 nautical miles mula sa baseline ng isang bansa.

Si Marcos ang may-akda ng Philippine Baselines Act (R.A. 9522) na ayon sa UNCLOS sa panahon ng kanyang termino bilang kinatawan ng 2nd District ng Ilocos Norte sa House of Representatives.

Ayon kay Marcos ang malinaw na hangganan ng EEZ ng dalawang bansa ay hindi lamang tatapos sa alitan sa pagitan ng mangingisda ng Pilipinas at Indonesia kundi magbubunga din ng mas maayos na pagtutulungan para sa proteksyon ng karagatan, dagdag na kalakalan, at pinaigting na maritime security.

“Ang karanasan natin sa maraming taon ng negosasyon sa Indonesia ay nagbigay sa atin ng isang ‘roadmap’ na maari nating sunda para sa paglutas sa maritime territory sa pagitan ng ibang bansa, tulad ng China sa isyu ng West Philippine Sea,” ani Marcos.

Matagal nang nananawagan si Marcos sa gobyerno na gawin lahat ng diplomatikong paraan para maresolba ang sigalot natin sa Beijing, kabilang na ang bilateral at multi-lateral talks, paggamit sa backdoor channel, at maging cultural-educational exchange.

Walang sinuman sa mga kinatawan mula sa ibat-ibang departamento, tulad ng Foreign Affairs, Defense, Energy, Environment and Natural Resources, Agriculture, at Transportation and Communications ang nagpahayag ng pagtutol sa naturang kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia.

Back to Blog