Maimpluwensyang mga Eusebio ng Pasig, inindorso si Sen. Bongbong Marcos para VP

Si Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang inindorso ng maimpluwensyang pamilya ng Eusebio ng Lungsod ng Pasig sa pagka-bise presidente sa halalan sa May 2016.

“One hundred percent tayong tutulong kay VP (vice president) Bongbong Marcos. Sisiguruhin namin na 100 percent na maipapanalo namin siya dito sa Pasig City. Siya ang unang vice presidential candidate na bumaba dito sa atin,” ito ang pahayag ni Konsehal Ricky Eusebio sa rally na inorganisa para kay Marcos sa Brgy. Maybunga nitong Martes.

Si Eusebio, anak ng dating alkaldeng Vicente Eusebio, ay tumatakbong congressman ng Pasig sa darating na halalan.

Ang asawa ni Vicente na si Idad ay nagsilbi ding mayor katulad ng kanilang anak na si Bobby. Ang asawa ni Bobby na si Maribel ang sya ngayong nakaupong mayor ng Pasig.

Nagpahayag ng pasasalamat si Marcos sa mga Eusebio at sinabing ang kanilang suporta ay malaking tulong sa kanyang kampanya.

“Maraming salamat sa pamilya Eusebio na matagal na naming kasama. Maraming salamat sa inyong mainit na pagtanggap. Kapag ganyan naman kainit ang pagtanggap, aba’y nawawala ang aking pagod,” sinabi ni Marcos sa harap ng maraming tao habang sumisigaw ng “Bongbong kami!”

Pinangunahan din nya ang isang motorcade na bumagtas sa mga Brgy ng Kapasigan, Pinagbuhatan, Palatiw, San Miguel, Caniogan, at Maybunga kung saan inabangan siya ng mga residente sa daan upang siya ay salubungin.

Noong Lunes, inindorso din ni San Juan City Mayor Guia Gomez ang kandidatura ni Sen. Marcos dahil sa kanyang angking galing sa public service at sa kanyang progresibong plano para sa bansa.

Noong nakaraang Linggo, nakuha din ni Sen. Marcos ang suporta ng mga magkakalabang politiko sa mga tinaguriang probinsya ng Solid North na Abra, La Union at Pangasinan.

Back to Blog