Mag-ingat sa mga expired na pang-noche buena

Ngayong pasko, dapat bukas ang mga mata at hindi ang mga kamay ng ating mga opisyal ng Bureau of Customs. ‘Pag bukas ang mata ng mga customs people, walang makakalusot na smuggled food products. ‘Pag bukas ng palad, “namamasko” ‘yun at alam n’yo na ang ibig nating sabihin.

Kaya natin nasabi ito dahil alam naman natin na ‘pag ganitong pasko, may mga sutil na negosyante na nagpapasok dito sa atin ng mga panghanda sa noche buena na bulok, expired at “unfit for human consumption.” Bulok ang style, ‘ika nga.

Kunsabagay, hindi lang naman imported ang mga ito dahil palagi tayong nakakabasa ng mga balita ng “bocha,” o ‘yung mga ibinebentang karne ng baboy, baka, at manok na double dead na locally produced.

At kabisado ng mga pasaway na negosyanteng ito na tiba-tiba sila tuwing pasko dahil malaking bahagi ng bonus at 13th month pay ng ating mga manggagawa ay inilalaan sa pagkain. Pero s’yempre, ‘yung pinakamura ang kanilang hahanapin. At wala nang mas mura pa kundi ang mga food product na dapat ay sa hayop na lang ipinakakain at hindi sa tao.

Tuwing pasko kasi, masaya ang pamilya kung ang kanilang hapag-kainan ay may hamon, keso de bola, mainit na tsokolate na hinaluan ng kondensada, palaman sa tinapay, at siyempre, ang reyna sa mesa na spagheti. Kaso nga mahal kaya ang alternatibo ng ilan ay iyung mga expired o malapit nang ma-expire dahil bagsak-presyo.

At hindi lamang sa bangketa nabibili ang mga ito kundi sa ilan ding mga supermarket may mga expired food product.

Kaya hindi lang bukas kundi dapat dilat ang mga mata ng mga taga-Customs para hindi na makarating ang mga pruduktong ito sa palengke dahil pag nasa pamilihan na ang mga ito, mahirap nang pigilin ang ating mga kababayan na bilhin ang mga ito dahil mura.

Mag-uunahan silang maghalukay sa bunton ng mga expired product. Tubong-lugaw sa mga nagtitinda!

Dapat ding katukin ang Department of Trade and Industry na bantayan ang mga palengke pati na ang mga supermarket. Inspeksyunin nila ang mga itinitinda para maalis kaagad ang mga expitred goods kung mayroon man. Pati na rin ang presyo ng mga bilihin ay bantayan na rin nila kung nasusunod ito. Mas madalas sa hindi, sobra-sobra sa suggested retail price ang presyuhan lalo na kapag malapit na ang pasko.

Sa mga nagtitinda ng mga expired food product, eh makunsensya naman kayo!
Ito kasi ang hirap sa ilan nating mga kababayan. Kahit na mapahamak ang kapwa basta magkamal lang ng pera, tsk, tsk, tsk.

Sila ang mga lintang sumisipsip ng dugo ng mga mahihirap at nagsasamantala sa karukhaan ng iba. Sigurado ako na hindi nila ipakakainin sa kanilang sariling mga pamilya ang tinda nila dahil alam nilang delikado ito.

Sa mga consumer naman, ang magagawa lang natin ay makiusap. Kung maaari sana, ‘wag nating tangkilikin ang mga bulok na pagkain. Namumutiktik nga ng masarap na pagkain ang mesa dahil bagsak presyong nabili, malalagay naman sa panganib ang kalusugan ng pamilya dahil expired nga ang mga nakahain. ‘Wag naman sana.

Tandaan natin, payak man ang noche buena basta sama-sama, ‘di ba mas masaya ‘yun?

This article was published in Bulgar on 2 December 2014. Catch Sen. Bongbong’s column every Monday and Thursday.

Back to Blog