Mag drug test ang lahat ng kandidato

Hinamon ngayon ni Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. tumatakbong bise president ang lahat ng kandidato na sumailalim sa drug test upang ipakita na sila’y seryoso sa pagsugpo sa iligal na droga.

Ginawa ni Marcos ang pahayag matapos manawagan ang iba’t-ibang grupo ng kabataan na boluntaryong sumailalim sa drug test ang mga kumakandidatong presidente at bise presidente sa darating na eleksyon upang ipakita ang kanilang sinseridad sa kampanya laban sa iligal na droga.

“Ako ay matagal nang bukas dyan. Ako ay payag na sumailalim sa drug test upang ipakita na ako ay seryoso na bigyan ng solusyon ang problemang yan,” ani Marcos.

Dinagdag pa nya na hindi lamang sya dapat ang magpa-drug test kundi lahat ng kandidato sa halalan upang magbigay ng isang malaking mensahe sa lahat ng botante na tunay ang kanilang pangako sa paglaban sa iligal na droga sa bansa.

“Lahat dapat ay sumailalim sa drug test. Yan ang isang paraan upang ipakita ang ating sinseridad sa pagsugpo ng problemang ito,” dagdag pa niya.

Noong Huwebes, nanawagan ang mga grupong National Youth Coordinating Council on Drug Abuse Prevention (NYCCDAP) at National Youth Affairs on Drug Abuse Prevention and Education (NYADAPE) ng drug test sa presidential at vice presidential candidates.

“Ang susunod nating mga lider ay dapat ipakita na talagang sila ay dapat paniwalaan sa kanilang mga suhestiyon ukol sa iligal na droga at ito ang tanging paraan upang magbigay ng ehemplo sa lahat,” ani NYADAPE President Leo Archie Andes III.

Ayon sa report ng Philippine Drug Enforcement Agency, mahigit sa 8,600 barangays sa bansa ang apektado ng iligal na droga. Ang Metro Manila ang may pinakamataas na bilang ng drug-affected barangays sa 92 porsiyentong apektado na sinundan ng Southern Tagalog na 33 porsiyento ng barangay apektado.

Dinagdag ni Marcos na kung mahahalal siyang bise presidente ay isusulong nya na maibalik ang death penalty para lamang sa mga big time drug pushers at drug lords. “Ako ay taliwas sa death penalty ngunit payag ako kung ito ay ipapataw sa mga big time drug pushers at drug lords dahil sa pagsira nila sa ating lipunan lalo na sa mga kabataan na siyang pag-asa ng ating bayan,” ani Marcos.

Tinuran din ng senador na dapat bigyan ng sapat na kakayahan ang mga law enforcement agencies upang ma-target nila ang mga big-time drug pushers at ang kanilang mga lider upang maging epektibo ang laban sa iligal na droga.

“Meron tayong seryosong problema sa iligal na droga dahil sa corruption at mahinang law enforcement at kailangan maalis natin sa sistema ang mga sangkot dito lalo na sa nagpapatupad ng batas. At doon sa matitira, dapat bigyan sila ng sapat na kakayahan upang magawa nila ang trabaho nila lalo na ang pagpuntirya sa drug pushers at kanilang mga principal,” ani Marcos.

Ngunit ang pinaka-importante aniya ay ang pagpapalakas ng suporta ng pamilya at komunidad dahil ito ay mahalaga sa pagsugpo sa iligal na droga. “Ang pagsugpo sa iligal na droga ay hindi lamang trabaho ng police, kundi kailangan ng tulong ng lahat. Ang pamilya, ang komunidad ay importante din. Lahat dapat ay magkaisa at magtrabaho ng sabay-sabay upang bigyan ang ating mga anak ng tamang gabay upang malabanan nila ang tukso ng iligal na droga,” diniin ni Marcos.

Back to Blog