“Maawa naman kayo sa mga mahihirap na nagpapasan ng mabigat na buwis”

Read the English version here.

Ito ang panawagan ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa Malacañang sa harap ng pagsisikap ng mga pinuno ng Kongreso na kumbisihin ang Palasyo para pumayag sa panukalang bawasan ang pasaning buwis ng mahihirap.

Matapos ibasura ng ilang beses ng Malacañang ang panukalang baguhin ang umiiral na tax bracket isang bagong bill ang isinusulong ngayon ng mga lider ng Kongreso kung saan gagawing basehan sa ibabayad na buwis ang inflation.

“Panahon nang tugunan ang nangyayari ngayon kung saan yung mga low-income at middle-income nating mga kababayan ay nagbabayad ng buwis na dati ay para lamang sa mayayaman. Tigilan na sana ng Malacañang ang pagmamatigas nila laban sa panukalang ito,” ani Marcos.

Isa na umano ang mabigat na buwis sa mga dahilan kung bakit ayon sa ulat ay dumausdos ang ranking ng Pilipinas sa Prosperity Index sa 74, kumpara sa ranking na 67noong 2014 sa kabila ng ipinagmamalaking pag-unlad ng ekonomiya ng bansa.

“Marami sa ating mga kababayan ang hindi nakakaramdam ng sinasabing pag-unlad ng ating ekonomiya, na ang pag-unlad ay para lamang sa mga mayayaman. Isa sa paraan upang matugunan ang ganitong sitwasyon ay ang pagaanin ang pasanin sa buwis ng ating mahihirap,” giit ng senador.

Bukod pa sa bigat ng buwis, nahaharap din ang mahihirap nating kababayan sa problema ng patuloy na pagtaas ng presyo, kabilang na ang mga pangunahing pangangailangan.

Ayon sa survey ng Social Weather Stations na ginawa noong September 2-5, tumaas ang insidente ng kagutuman sa bansa sa 15.7 percent na kumakatawan sa may 3.5 milyon pamilya na nakakaranas ng gutom minsan sa nakaraang tatlong buwan, kumpara sa 12.7 porsyento o 2.8 milyong pamilya noong Hunyo ng kasalukuyang taon.

Back to Blog