Libu-libong Ilonggo nangako ng suporta kay Bongbong Marcos

Libu-libong mga Ilongo ang nagtiis ng matinding init sa Iloilo City ngayong araw para hintayin ang pagdating ni Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., kandidato bilang bise presidente, upang magpahayag ng suporta sa kanya sa pagdating ng kanyang “Unity Caravan” sa Western Visayas.

Sinalubong si Marcos ng may 5,000 mga volunteers at supporters na sumisigaw at may dalang mga flag at campaign banners nang pumasok siya sa punung-punong Jaro Plaza Gym bago magtanghali.

Nagpahayag naman si Marcos ng kanyang buong-pusong pasasalamat sa mga taong naghintay sa kanya sa kabila ng matinding init na pinalala pa ng hindi inaasahang brown out sa gym na nagsimula ilang oras bago siya dumating.

“Pasensya na lang po at hindi ko maunawaan kung bakit biglang nawala ang kuryente. Hindi ko alam na may brown out pala dito sa inyo. Kaya kailangan talaga marami pa tayong gagawin para hindi na magka-brown out pagka dumadating ang inyong kandidato,” ani Marcos.

“Pero ang naging epekto dahil nagka-brown out mas lalong naging mainit ang inyong naging pagsalubong sa akin,” dagdag pa niya.

Sinabi ng mga organizers na ang brown out ay sa gym lamang at hindi sa mga kalapit na lugar. Ngunit hindi umalis ang mga Marcos supporters kahit na matindi ang init dahil gusto nilang marinig na magsalita ang senador.

Sa kabila nito hindi na pinatulan ni Marcos ang hinala ng iba na maaring sinadya ang brown out para i-sabotahe ang kanyang kampanya. Bagamat taga-Iloilo ang katambal niyang si Sen. Miriam Defensor Santiago sinasabing balwarte ng Liberal Party ang probinsya.

Si Marcos ang nanguna sa pagbigkas ng pangako ng mga supporter niya, kung saan sinabi nilang susundin nila ang mga batas at tutulong sa mga civic programs ng kanilang samahan.

“Kusang loob din akong nangangako na susuportahan ang kandidatura ni Bongbong Marcos bilang bise presidente ng Pilipinas,” dagdag pa nila.

Bago dito pormal na inilunsad ni Marcos ang Compact Team BBM Volunteer Center sa Jaro, Iloilo City.

“Nandito ako para sa aking kampanya at makakuha ng suporta sa Region VI. Kumpiyansa ako na matapos marinig ang aking mensahe marami pa ang lalapit at susuporta tulad ng nangyayari sa buong bansa,” ani Marcos.

Ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations si Marcos ang nangunguna sa kanyang mga karibal bilang bise-presidente. Ayon sa kanya ito ang patunay na tanggap ng mga tao ang kanyang mensahe ng muling pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.

Back to Blog