Libreng patubig, pagbura sa P12B utang ng magsasaka isinulong ni Sen. Marcos

Read the English version.

Matapos ang pinsala sa kabukiran dulot ng magkakasunod na bagyo at baha at ang banta ng tag-tuyot dahil sa El Nino, sinabi ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na dapat libre na ang patubig para mapalakas muli ang naghihingalong sektor ng agrikultura sa bansa.

Sa kanyang mensahe sa Christmas party ng BUTIL party list sa Nueva Ecija, sinabi rin ni Marcos na dapat nang burahin ng National Irrigation Administration (NIA) ang umaabot sa P12 bilyon na utang ng mga irrigators association at magsasaka sa paggamit ng irrigation.

Ayon kay Marcos, chairman ng Senate Committee on Public Works, nabanggit na niya ang panukala sa mga NIA officials pagdinig ng kanyang komite sa kanyang panukalang batas na naglalayong mapalawak at mapaunlad ang irrigation system sa bansa.

“Sabi ko sa kanila, kayo kasi bakit ba kayo nagtsa-charge para gamitin ang mga irrigation system, hindi naman dapat kayo nagsisingil dahil ito serbisyo na ibinibigay ng gobyerno para sa ating mga magsasaka dahil gusto nga natin silang tulungan,” ani Marcos.

Sinabi ng mga NIA officials na ang bayad sa paggamit sa irrigation system ang inaasahan nila sa pagpapagawa ng mga bagong irrigation system at pagkukumpuni sa mga nagawa na. Ayon din sa kanila aabot sa P12 bilyon ang utang sa bayad sa paggamit sa irrigation.

“Sabi ko kalimutan nyo na yan. Saan kukuha ng P12 bilyon ang mga farmers?” giit ni Marcos.

Pinayuhan umano niya ang NIA na gumawa na lang ng ibang plano para pondohan ang paggawa ng irrigation system.

“Sabi ko sa kanila, kung inaasahan ninyo na babayaran kayo ng P12 bilyon puntahan ninyo ang mga nagsasaka, tingnan ninyo ang kondisyon ng kanilang hanap-buhay at sabihin ninyo sa akin na kaya nilang magbayad ng P12 bilyon,” ani Marcos.

Mahihirapan talaga umanong magbayad ng mga magsasaka dahil ayon sa datos ng gobyerno umaabot sa 70 porsyento ng mga mahihirap ay nasa sektor ng agrikultura, saad ng senador.

Matagal nang isinusulong ni Marcos, na kandidato para Bise-Presidente sa halalan sa 2016, ang dagdag na suporta ng pamahalaan sa naghihingalong sektor ng agrikultura.

Naniniwala si Marcos na kailangan ang malakas na sektor ng agrikultura bilang pundasyon ng paglago ng ekonomiya ng bansa.

Back to Blog