Libreng Pag-aaral Sa State Colleges at Universities (SUC) Isinulong ni Sen. Marcos

Read the English version here.

Isinulong ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang libreng pag-aaral sa lahat ng state colleges at universities (SUC) sa buong bansa.

Sa panayam sa media sa La Carmela Hotel and Convention Center sa isla ng Boracay sa Malay, Aklan nitong Biyernes, sinabi ng Senador na mukhang kaya naman ng gobyerno na pondohan ang tuition ng lahat ng mga nag-aaral sa SUCs sa ating bansa.

“Meron akong ipo-propose na pag-aralang mabuti na gawing na lahat ng estudyante ng SUC ay gawing libre na ang kanilang pag-aaral dahil sa kalkulasyon namin hindi gaanong kalaki ang (pondong) kakailanganin ng gobyerno na gastusin para dito,” ani Marcos.

Ayon sa datos mula sa Commission on Higher Education (CHED) may 547 SUC sa buong bansa na pinapatakbo at pinopondohan ng gobyerno subalit hindi libre ang pag-aaral at kailangan pa ring magbayad ng tuition fee ang mga estudyante nito.

Base sa talaan ng CHED umaabot sa 1.4 milyon ang kabuuang bilang ng mga estudyanteng naka-enrol sa mga SUC noong school year 2013-2014.

Maliban dito, sinabi rin ni Marcos na dapat bigyan ng gobyerno ng dagdag na suporta ang mga guro lalo na sa pampublikong paaralan dahil isa ito sa importanteng hakbang para mapabuti ang sistema ng edukasyon sa bansa.

Ayon kay Marcos ang edukasyon ang isa sa pinaka-mahalagang serbisyo na dapat maibigay ng pamahalaan sa mga mamamayan nito.

Sinabi ng senador na sisikapin niyang isulong ang mga panukalang ito sa natitirang mga araw ng sesyon ng Senado at kung hindi man mailusot ay patuloy pa rin siyang magpupursige na mangyari ito kung papalarin siyang manalo bilang Bise Presidente sa halalan sa 2016.

Back to Blog