Las Piñas Mayor Nene Aguilar at Rep. Mark Villar nanguna sa pagsumpa ng suporta kay Bongbong Marcos

Sa pangunguna ni Mayor Vergel “Nene” Aguilar at Rep. Mark Villar nanumpa ngayon ang mga opisyal ng lungsod ng Las Pinas na susuportahan nila ang kandidatura bilang bise presidente ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Nangyari ito nang dumaan si Marcos sa city hall para sa isang courtesy call kay Mayor Aguilar sa paglibot ng kanyang “Unity Caravan sa lungsod.

“Napakainit po ng inyong pagsalubong na ibinigay ninyo sa akin. Maraming salamat po,” ani Marcos sa mga opisyal at residente ng Las Pinas, partikular sa napakaraming taong sumalubong sa kanya. Maliban dito muling nanawagan ang senador para sa pagkakaisa ng sambayanang Pilipino.

Ayon kay Aguilar kaiba si Marcos sa kanyang mga karibal sa kanyang karanasan at pagkaunawa sa sitwasyon at pangangailangan ng mga local government unit dahil na rin sa matagal na paninilbihan bilang governor ng Ilocos Norte. Si Marcos umano ang una sa mga kandidato sa national position na nangampanya sa lungsod.

Ipinataas ni Aguilar ng kamay ng mga opisyal ng lungsod, kabilang ang lahat ng chairman ng 20 barangay ng syudad, 12 konsehal , at 114 iba pang opisyal ng barangay para sa isang panunumpa ng kanilang pagsuporta kay Marcos.

“Ako ay nanunumpa, na hindi lang iboboto si Bongbong Marcos, kundi kukuha pa ng 30 boboto sa kanya. At lahat ng mga kaibigan ko ay ititext ko at tatawagan. Lahat ng kamag-anak ko tatawagan ko, para iboto si Bongbong,” ani Aguilar sa pangunguna sa kanilang pagsumpa.

Ayon pa kay Aguilar nauuwaan niya ang mensahe para sa pagkakaisa ni Marcos dahil ito rin ang ginawa niya na nagdulot ng kaunlaran sa Las Pinas. Matapos na manalo bilang mayor noong 1995 kinaibigan na niya umano ang mga dating kalaban at kinalimutan ang mga insulto at murang tinanggap, ani Aguilar.

Sinabi naman ni Rep. Villar na si Senator Marcos ang isa sa ilang hindi nang-iwan sa kanila noong huling bahagi ng eleksyon kung saan tumakbong presidente ang kanyang amang si dating Senate President Manuel Villar, lider ng Nacionalista Party.

“Kayat yun ang isang bagay na hindi namin makakaliimutan. Sen. Bongbong maraming salamat at syempre maasahan mo lagi ang aming suporta hindi lamang bilang kapartido kundi bilang kasama ng aming pamilya. Welcome kayo dito sa Las Pinas,” ani Villar.

“Tulad ng sabi ko, kaibigan, kapartido,kapamilya. Maraming salamat. Naririto kami lagi para sa inyo tulad ng ginawa nyo para sa amin,” dagdag pa niya.

Inindorso din ni Aguilar at Villar ang kandidatura bilang senador ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, pinsan ng senador. Dahil dito inaasahang bubuhos para sa dalawa ang karamihan ng boto ng 350,000 rehistradong botante ng Las Pinas.

Back to Blog