Labor Day Message

Sa pagdiriwang ng Araw ng Paggawa, aking pinasasalamatan at kinikilala ang lahat ng manggagawang Pilipino bilang mga tunay na bayani sa lahat ng panahon.

Nalulugod din ako sa mga overseas Filipino worker dahil ang kanilang pagsasakripisyo habang malayo sa kanilang mahal sa buhay ay nagbibigay ng tatag sa ating ekonomiya, lalo na sa panahong ang pandaigdigang sektor ng pinansya ay dumadanas ng dagok at kawalan ng kasiguruhan.

Tunay na ang kanilang galing, sipag, at katapatan sa trabaho ay nagbibigay ng karangalan sa ating bansa at ang marubdob na layunin para sa magandang kinabukasan ay nagpapatibay ng pag-asa ng kanilang mga pamilya.

Ang pagsisikap ng mga Pilipinong manggagawa sa bawat yugto ng kasaysayan ay hindi maaaring balewalain, bagkus, ito ay kinikilalang mahalagang ambag sa sibilisasyon.

Habang binabago ng modernisasyon ang uri ng pamumuhay, pinayayabong din ng ating mga mangagawa ang kanilang talino upang makasabay sa makabagong teknolohiya.

Sa harap ng mga computer at makabagong kagamitan na nagpapagaan sa trabaho, ang mangagawa pa rin ang pangunahing bahagi sa paggawa at ang kanilang kahalagahan ay hindi kumukupas.

Sa kakayahan at talino na makasabay sa pagbabago, ipinaaabot ko ang aking paghanga at pagbati sa mga lalaki at babaeng manggagawang Pilipino.

Labis din ang aking paghanga sa kanilang katatagan hindi lamang sa pagdudulot ng maayos na buhay at magandang hinaharap sa kanilang pamilya, kundi pati na rin sa pag-ukit ng magandang bukas para sa buong bansa.

Muli, sa lahat ng mangagawang Pilipino na pinagkakautangan natin ng magagandang bagay na bunga ng kanilang paggawa, sinasaluduhan ko kayong lahat.

Mabuhay!

Back to Blog