Komprehensibong tulong sa magsasaka laban sa epekto ng AEC hiniling ni Sen. Marcos

Read the English version.

Nanawagan ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa gobyerno na ilatag ang isang komprehensibong programa para tulungan ang sektor ng agrikultura at mga magsasaka na tatamaan pagpasok ng mga murang produkto sa bansa.

Ginawa ni Marcos ang panawagan matapos na pormal na pagbubukas ng ASEAN Economic Community (AEC) nitong Disyembre 31. Kabilang sa epekto ng AEC ang pagtatangal ng import duties sa pagitan ng mga miyembro ng ASEAN kabilang ang Brunei, Cambodia, Laos, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand, at Vietnam.

“Nakita na natin ang epekto ng walang patumanggang importasyon at smuggling ng produkto tulad ng bigas, sibuyas at bawang sa ating mga magsasaka. Ngayong wala nang tariff sa mga ito delikadong lalong maghirap ang ating mga magsasaka kung walang komprehensibong tulong ang gobyerno sa kanila,” ani Marcos.

Bagamat maaaring makinabang sa AEC ang may malalaki at malalapad na lupain na may produktong pang-export ang mga maliliit na magsasaka ay mahihirapan lalo nang patuloy na bumabagsak ang produksyon ng agrikultura sa bansa, babala ng Senador.

Ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority, para sa third quarter ng 2015, bumagsak ng 0.1 porsyento ang sektor ng agrikultura dahil sa pagbagsak ng produksyon ng palay, mais at tubo na bumaba ng 15.7 porsyento, 1.7 porsyento, at 41.5 porsyento.

Para matulungan ang ating mga magsasaka, sinabi ni Marcos na kailangang magsagawa ng mga programa sa imprastruktura at teknolohiya para maisaayos ang ating mga kalsada, sistema ng transportasyon, suplay ng kuryente at palawakin ang irigasyon.

Kamakailan lamang, sinabi ni Marcos na dapat libre na ang patubig at kalimutan na lang ng National Irrigation Administration ang P12 bilyon na utang ng mga magsasaka para sa patubig.

Maliban dito, idinagdag pa ni Marcos na dapat magkaroon ng mas murang pautang para sa mga magsasaka at mas malawak na coverage ng crop insurance.

Back to Blog