Kandidato ng LP at PDP-Laban sa Cordova at Lapu-Lapu City sa Cebu sinuportahan si Sen. Marcos

Nagkaisa ang mga lokal na kandidato ng PDP-Laban at Liberal Party sa bayan ng Cordova at Lapu-Lapu City sa Cebu para suportahan ang kandidatura sa pagka-bise presidente ni Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Sa ikatlong araw ng pagbisita ng “Unity Caravan” ni Marcos sa probinsya ng Cebu, tinungo nito ang Cordova kung saan nakipagpulong ang senador sa mga lokal na opisyal na pinangungunahan ni Mayor Adelino “Addy” Sitoy, kasama ang lahat ng chairman at iba pang opisyales ng 13 barangay ng bayan.

Si Mayor Sitoy ay matagal nang taga-suporta at kaibigan ng pamilya Marcos.

Ayon kay Mayor Sitoy, bagamat tumatakbo silang lahat sa ilalim ng Liberal Party, hiningi na niya ang pahintulot ng partido na isuspinde ang kanyang pagiging miyembro dahil ang susuportahan niya bilang presidente ay si Davao Mayor Rodrigo Duterte.

“At saka hindi si (Leni) Robredo ang dadalhin ko para sa vice president dahil ang kandidato ko noon pa man ay si Bongbong Marcos,” ani Mayor Sitoy.

Sinabi pa ni Mayor Sitoy na noong 1986 snap elections, natalo si dating Pangulong Ferdinand Marcos sa maraming lugar sa Cebu na balwarte ng oposisyon subalit nanalo pa rin sa Cordova. “At ipinagmamalaki ko ito,” aniya.

Kasama ring nagpahayag ng suporta kay Marcos ang buong pangkat ng kandidato ng PDP-Laban sa Lapu-Lapu City sa pangunguna ni Rolando Patalinjug, na tatakbong mayor ng syudad.

“Ang buong pangkat ng Team Lando Patalinjug ay sumusuporta kay Senator Bongbong” ani Patalinjug. Ang pamilya Patalinjug ay matagal na ring kasama at kaibigan ng mga Marcos, ayon kay Mayor Sitoy.

Maging ang kapatid ni Mayor Sitoy na si Celedonio, kandidato bilang kongresman ng Lapu-Lapu City ay nagpahayag din ng suporta kay Marcos. “Isang karangalan at kasiyahan na sabihin ko sa inyong lahat at kay Senator Bongbong na ang buong pangkat ng Partido Kusgano sa Lapu-Lapu City ay nasa kanyang likod, siyento por syento. Ito na ang aming paninindigan bago pa man kami sumapi sa PDP-Laban,” ani Sitoy.

Buong lugod namang nagpasalamat si Sen. Marcos sa mga opisyal ng Cordova at Lapu-Lapu City sa kanilang mainit na pagtanggap at suporta, partikular na kay Mayor Sitoy.

“Masasabi ko, mula sa sariling kaalaman at sa mga kwento sa aking ng aking mga magulang, na wala nang iba pang mas matalik na kaibigan at masugid na taga-suporta kaysa sa mga taga-Cordova,” ani Marcos.

Ang nagawa umano ni Mayor Sitoy noong 1986 ay marka ng isang tunay na lider na pinagtitiwalaan ng kanyang mga nasasakupan.

Tulad sa lahat ng kanyang mga pinuntahan para ikampanya ang sarili sa pagka-bise presidente, nanawagan din si Marcos para sa pagkakaisa ng bayan na umano’y importante para makamit ang isang progresibong bukas para sa lahat ng Pilipino.

Back to Blog