Kalayaan: Pananagutan ng Bayan para sa Matuwid na Daan

Speech of Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.
San Pedro Celebration of 114th Independence Day
Theme: “Kalayaan: Pananagutan ng Bayan para sa Matuwid na Daan”
San Pedro Town Plaza/New Municipal Hall

Maraming salamat po sa ating tagapagpakilala

Kagalang-galang Mayor Calixto Cataquiz, mga bumubuo ng Sangguniang Bayan, at mga opisyales ng barangay. Gayundin sa hepe ng mga tanggapan sa pamahalaan, mga lider ng pribadong sektor, mga panauhin, at mga makabayang mamamayan ng San Pedro, Laguna.

Sa ngalan ng aking pamilya, ipinaaabot ko po ang malugod na pagbati sa inyong lahat sa matagumpay na paggunita sa ika- 114 na araw ng kasarinlan.

Eksaktong isang siglo at labing-apat (14) na taon nang kilalanin ang pilipinas bilang kauna-unahang Republika sa kontinente ng asya.

Pero ang binhi ng rebolusyon ay ipinunla ng ating kababayan dito sa laguna na si Gat. Dr. Jose Rizal.
Nagsilbing inspirasyon si Rizal upang simulan ni Gat. Andres Bonifacio ang digmaan hanggang sa ibantayog ni pangulong Emilio Aguinaldo ang watawat ng Pilipinas sa kanyang balkonahe sa Kawit, Cavite noong Hunyo 12, 1898.

Gayunman, ang kalayaan mula sa mga espanyol ay panandalian lamang dahil sinakop naman tayo ng Estados Unidos kung saan dinakip si Aguinaldo sa kabundukan ng Sierra Madre.
Ang mga natitirang rebolusyonaryo ay binansagang tulisan at bandido at nang lumaon ay minarkahan silang mga rebelde at mamamatay-tao.

Ang mga magsasaka partikular dito sa San Pedro, Laguna ay nanatiling alipin ng mga propitaryo at hasendero.
Pero, nakalag ang kadena sa pagkaalipin sa lupa nang lagdaan ni dating Pangulong Ramon Magsaysay dito mismo sa San Pedro Tunasan ang unang batas sa Land Tenancy Act.

Ang batas na ito sa agraryo ay pinatindi nang lagdaan din ng aking ama ang Land Reform Law noong 1972.
Ang kalayaan ay dapat na may katumbas na katiwasayan ng buhay dahil higit na masarap tikman ang kasarinlan kung hindi kumakalam ang sikmura.

Mga kababayan kong taga-Laguna, ang ipinagdiriwang natin ngayon ay kalayaan mula sa pananakop at pang-aabuso ng mga dayuhan.
Pero ang anumang pang-aabuso sa kapangyarihan ay dapat nating laging bantayan at ipakipaglaban—kahit sa panahon ng kapayapaan tulad ngayon.

Ang demokratikong institusyon ay nakasandal sa pagkakapantay-pantay at paggalang sa saligang batas.
Ang kalayaan din ito ang ipinagtanggol ng ating mga beterano sa ikalawang digmaang pandaigdig laban sa Japanese Imperial Forces.

Dito sa ating bayan ng San Pedro , dapat nating kilalanin ang kabayanihan ng ating pinakamamahal na si Capt. Abelardo “Remo” Remoquilo.

Inilaan ni Kapitan Remo ang kanyang buhay upang palayain mula sa kamay ng mga dayuhang hapones ang bayan ng San Pedro.
Kasama rin si Remoquilo, at iba pang taga-San Pedro nang kubkubin at salakayin ang concentration camp sa Los Banos.

Nakalaya ang mga bilanggo sa naturang kampo nang pasukin ito ng mga sundalong taga-Laguna at guerilla kahit gamit lamang ang itak at tabak laban sa malalakas na armas ng mga hapones.

Marami sa ating mga kababayan ang tumimbuwang sa naturang pagsalakay.
Isang malagim na bahagi rin ng ating kasaysayan ang death march mula sa Corregidor hanggang Capaz, Tarlac.

Bagaman tumagal ang bakbakan sa loob ng mahigit tatlong buwan, napilitan sumuko ang USAFFE at mga gerilya.

Sa gitna ng pagod, hapo at sakit, pikit-matang naglakad ang mga sundalong pilipino at amerikano habang nakatutok ang bayoneta ng mga hapones.

Ang nalulugmok sa sobrang pagod ay tinatarakan at ang mga nagtatangkang tumakas ay pinapatay sa gitna ng lansangan.

Iilan lamang ang nakatapos sa naturang death march at may ilang nakauwi dito sa San Pedro, Laguna upang ipagpatuloy ang pakikipaglaban tungo sa kalayaan.

Hindi natin dapat balewalain ang handog na kalayaan ito dahil pawis at dugo ang ibinuwis ng ating mga bayani.

Gayunman, dapat nating iayos ang punto-de-bista ng kasaysayan.

Nauna nang ipinagtanggol ng mga sinaunang datu at lakan ang ating kalayaan sa pangunguna ni Lapu-Lapu.
Marami nang “lapu-lapu” ang nagtanggol sa ating teritoryo.

Kung hindi lumilipas ang interes ng ibang bansa sa ating teritoryo, dapat ay hindi rin kukupas ang pagmamahal at pag-ibig natin sa tinubuang lupa.

Iyan mismo ay ipinadama ng ating mga bayaning sina Rizal, Remoquilo at maging ng aking ama na si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos.

Nang makaligtas sa death march, nag-organisa siya ng Intelligence Group upang tuluyang mapatid ang paghahari ng hapones sa ating lupain.

Ginawaran si dating Pangulong Marcos ng pinakaraming medalyon ng kabayanihan bago pinamunuan ang pamahalaan sa pinakamahabang panahon sa iba’t ibang kapasidad—senador, kongresista at pangulo ng Republika.

Sa panahon ito, ipinakipaglaban niya ang soberaniya ng Pilipinas sa Sabah, North Borneo.
Siya rin ang nagdeklara na sakop ng Pilipinas ang mga isla sa West Philippine Sea.

Gamit ang pinakamataas na antas ng diplomasya, legalidad at pagmamahal sa bayan, ipinagtanggol ni dating Pangulong Marcos ang soberaniya ng ating Republika.

Sa totoo po, hindi ang malalakas na armas ang susi upang mapanatili ang kalayaan kundi ang pagkakaisa—ang pagkakaisa ng bawat pilipino.
Dapat ay laging handa tayo sa pagtanggol sa ating inang bayan—saan mang rehiyon tayo nagmula, anuman ang ating kulay at lahi.

Ang preserbasyon ng buhay ay preserbasyon din ng ating teritoryo at siyempre, preserbasyon din ng ating Republika.

Hindi tayo dapat maigupo ng maliliit na alitan o isyung politikal.

Dapat tayong laging magkakabuklod—sa isang interes lamang.

Araw-araw ay dapat nating puksain at labanan ang anumang sagwil sa pagkakaisa upang maipreserba natin ang kalayaan…. kalayaan na ipinamana ng ating mga bayani.

Makibaka tayo laban sa alinmang uri ng pang-aabuso.
Hindi lamang laban sa tayraniya ng isang grupong politikal, hindi lamang sa pang-aapi ng may kontrol sa poder, hindi lamang sa persekusyon ng mga kritiko at oposisyon.

Dapat ay maging mulat tayo na labanan ang mga mali at palpak sa pamayanan at lipunan—dahil iyan mismo ang magpapaguho at wawasak sa haligi at pundasyon ng demokratikong institusyon.

Sa pamamagitan nito, ipakikipaglaban natin ang ating karapatang mabuhay nang maayos at matiwasay.

Ipakipaglaban natin ang ating karapatan na manatiling isang tunay na lahing pilipino upang manatiling buo at matatag ang ating Republika.

Buong tapang at kadakilaan, panatiliin nating matatag ang ating republika, nang sa gayon ay tingalain ang ating republika—bilang pinakamaginoo at pinaka-dakilang bansa sa ibabaw ng lupa.

Hindi tayo dapat manahimik lamang.
Ang kalayaan at soberaniya ay hindi nakakamit mula sa pagsaklolo ng makapangyarihang bansa, kundi, ito ay nakakamit mula sa tapang at kahandaan na ibuwis ang buhay—anumang oras, saan man, para sa inang bayan.

Malalampasan natin ang anumang pagsubok, pananakot, panlalait at pang-aabuso ninuman o ng alinmang bansa kung mananatili tayong nagkakaisa.

Manatili tayong nagkakaisa at may pag-ibig sa ating tinubuang lupa—ang Pilipinas!
Muli, walang imposible, magyakap-yakap tayo upang ibalik ang kadakilaan ng ating Republika.
Wika ng yumao kong ama sa kanyang panahon: “this nation can be great again”.

Pero, may karugtong na po ito ngayon.
Para sa inyong abang lingkod: muli tayong makakabangon tungo sa kadakilaan dahil ang mga pilipino—noon pa manay siyang pinakadakilang lahi sa buong mundo.
This nation can be great again… because, we, Filipinos have always been the greatest people of the world.

Maraming salamat po at magandang umaga sa inyong lahat.

Back to Blog