Kakulangan ng suporta ng gobyerno sa imbentor ng Salt-Powered Lamp pinuna ni Sen. Marcos

Read the English version here.

Nanawagan ngayon sa gobyerno si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na bigyan ng karampatang suporta ang grupo ni Engr. Aisa Mijeno para sa mass production ng kanilang imbensyong LED lamp na pinapailaw gamit ang tubig-alat.

Nakakalungkot, ayon sa Senador, na wala pa tayong nakikitang tulong mula sa gobyerno sa imbensyon na kinilala mismo nina US President Barack Obama at Chinese billionaire na si Jack Ma, Executive Founder at Chairman ng Alibaba.

Si Mijeno, CEO ng SALt (Sustainable Alternative Lighting) ay nakasama nina Obama at Ma sa APEC CEO Summit kung saan nagkaraoon ng talakayan matapos ang talumpati ni Obama tungkol sa climate change.

“Nakilala na sa maraming bansa at nakatanggap na ng maraming award ang imbensyon na ito pero bakit hanggang ngayon ay parang wala pa tayong nakikitang ginagawa ang gobyerno para maibenta na sa merkado ang produktong ito na galing ng Pilipino?” ani Marcos.

Ayon sa mga imbentor, ang LED lamp ay kayang magbigay ng ilaw ng hanggang 8 oras gamit lamang ang tubig na hinaluan ng dalawang kutsarang asin, o kaya naman ay tubig dagat.

Maganda ang imbensyon ayon kay Marcos dahil hindi lamang ito pwedeng magbigay ng ilaw sa maraming lugar sa bansa na wala pa ring kuryente kundi pwede pa rin magbigay ng trabaho sa marami nating kababayan kung dito gagawin ang produksyon ng mga ito.

Marapat lamang umano na gumawa na ng hakbang ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na makipag-ugnayan kina Mijeno upang mabigyan sila ng ayuda ayon sa RA 7459 o ang “Investors and Invention Incentives Act”.

“Tayo ang unang dapat makinabang sa mga likha ng ating mga imbentor. Kung hindi natin sila bibigyan ng karampatang suporta malamang na dalhin na lamang nila sa labas ng bansa at makinabang ang mga investor na naghihintay makakuha ng mga bagong produkto na maaaring maging matagumpay,” ani Marcos.

Back to Blog