Kahalagahan ng serbisyo ng Barangay Health Workers kinilala ni Sen. Marcos

Read the English version here.

Kinilala ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang kahalagahan ng mga barangay health workers para madala ang basic health services sa mga mamamayan.

“Ang ating bansa ay nasa panahon kung saan ang mga barangay health workers ay sobrang mahalaga at kailangang-kailangan ng ating bayan,” ayon kay Marcos sa kanyang pananalita sa Barangay Health Workers Congress sa probinsya ng Pangasinan na ginanap sa lungsod ng Urdaneta.

Sa pagdami ng populasyon ng bansa na lagpas na sa 100 milyon, pagtaas ng bilang ng mga Pilipinong may iba’t-ibang karamdaman, pagmahal ng gamot at bayad sa doktor, ang BHW ang naaasahan ng mga karaniwang mamamayan na tumugon sa kanilang problema sa kalusugan, ani Marcos.

Subalit sa dami ng kanilang responsibilidad at problemang hinaharap kakarampot pa rin ang benepisyong natatanggap ng mga BHW, dahil na rin sa problema sa hindi sapat ang budget ng karamihan sa local government units.

Dahil sa ganitong sitwasyon sinabi ni Marcos na bilang chairman ng Senate Committee on Local Government humahanap siya ng mga paraan upang matulungan ang mga LGU, tulad ng pagsusulong ng mas mataas na parte sa Internal Revenue Allotment (IRA).

Dagdag pa rito, tinukoy ng senador ang kanyang panukalang batas para mabigyan ng retirement benefits ang mga barangay officials, kabilang na ang mga BHW, na tinatalakay na ng buong Senado.

“Makakaasa po kayo na binibigyan ko ng mataas na prayoridad upang ito ay maisabatas na sa lalong madaling panahon!,” ani Marcos.

Back to Blog