Journal Online – Wala tayong kadala-dala

By Paul M. Gutierrez | Journal Online

“NANGANGAMOY” eleksiyon na ngayong taon at talaga namang malaking usapin muli kung ang Smartmatic na naman ang magpapatakbo ng ating halalan?

Kung magkakaganoon man, ay talagang wala tayong kadala-dala.

Marami na ang nagdududa at walang tiwala sa mga “makina” (vote counting machine) ng Smartmatic.

Lalo lamang itong nagdudulot ng hindi magandang imahe tuwing eleksiyon. Dahil sa totoo lamang, wala namang nagbago sa tiwala ng taumbayan sa Comelec.

Maraming ibinibida ang Comelec sa pagkakaroon ng automated elections. Nawala na umano ang vote buying at ballot switching. Pero totoo bang nabawasan na ang dayaan?

Natanggal ba ng automated elections na ito ang guns, goons and gold sa halalan?

Eh, dahil sa PCOS machine marami pa rin ang mga hindi nakakaboto dahil sa mga palpak na mga makinang ito.

Bagama’t sasabihing napabilis ang bilangan, aba eh, e di malamang napapabilis din ang dayaan!

Ang iba kundi kulang ang boto, aba eh sobra-sobra!

Anong klaseng makina ba ang mga ito? Marami na rin ang nagprotesta dahil sa kanilang tingin, “Hocus PCOS” na ang mga ito.

Hindi lamang mga grupo kundi mga indibiduwal. Halimbawa na lamang ang naging kaso sa pagka-bise-presidente ni Sen. Bongbong Marcos.

Hindi ba naging malaking gulo ang nangyari noong nakaraang eleksiyon matapos hindi nakapag-transmit ng data o nagkaproblema sa transparency server sa loob ng pitong oras?

Habang nangyayari ang mga ito, walang malinaw na isinagot ng Comelec na lalong nagbibigay ng hindi magandang imahe hindi lamang sa Comelec kundi maging administrasyong Duterte.

Sino ba ang hindi mag-iisip na may dayaang nangyayari?

Kaya nagkakaroon ng pagdududa ang mga mamamayan sa mga nanalo. At kapag hindi maganda ang naging trabaho ng Comelec iuugnay ito sa kasalukuyang administrasyon.

Kaya tanong natin, paano nakalulusot sa Comelec ang ganitong klaseng serbisyo ng Smartmatic?

Paano nakalulusot ang kagaya ng Smartmatic na magpatakbo ng eleksiyon natin?

Hindi tayo tutol sa pagkakaroon ng isang automated election.

Ang tutol tayo ay sa maruming automated elections na sabog-sabog ang kaguluhan sa pagboto, bilangan at pagpapaliwanag sa mga kapalpakan.

Magkano na ba ang kinita ng Smartmatic dito sa Pilipinas para pagtiyagaan pa rin natin ang mga palpak na makina at sistema ng mga ito?

Ilang bilyong piso na pera ng taumbayan ang nasasayang sa serbisyo ng Smartmatic, aber?

Paano rin ma-eenganyo ang mga kabataan at mga bagong botante na magparehistro?

Ngayon pa lamang halos nasa isang milyon pa lamang ang mga bagong botante. Malayo sa target ng Comelec na apat na milyon.

Sana nga, gawa lang ng pandemya ang mababang bilang ng mga bagong rehistradong botante. Dahil kung mawawalan ng tiwala ang taumbayan sa sistema ng eleksiyon sa Pilipinas parang wala na rin silang tiwala sa demokrasya na meron tayo.

At kung nawalan sila ng tiwala ng proseso ng eleksiyon, sino ang dapat sisihin?

Mahalaga ang susunod na halalan dahil ito ay presidential elections.

Kung magkakaroon muli ng kontrobersiya sa resulta ng eleksyon dahil sa kapalpakan na naman ng sistema ng Smartmatic, hindi lang tayo walang kadala-dala, kunsintidor na tayo ng isang palpak na sistema.

Back to Blog