Journal Online – Sindikato ng bilangan sa eleksiyon, ibunyag!

By Allan Encarnacion | Journal Online 

MABUTI na rin at nabuksan ang isyu ng posibleng dayaan sa 2016 elections.

Sa pagkakabanggit ng mga komisyon na inaakusa kay Comelec Chairman Andy Bautista, nalagay sa matinding kuwestiyon ang naging resulta ng halalan.

Sa pagkapangulo, maugong ang balita na tinangkang agawin ang panalo kay candidate Rody Duterte.

May mga nagbigay ng go signal para tapyasan ang mga numero. Agresibo ang mga sindikato ng dagdag-bawas kaya nga maraming numero ang nagrambulan habang nagaganap ang partial and unofficial counts.

Ang maganda lamang ay sobrang laki ng lamang ni Duterte kaya nahirapan silang maniobrahin ang mga numero. May mga nakapagsabi sa atin na aabot dapat sa 21 milyon ang kabuuan ng boto ni Digong pero napako sa 16.6 milyon.

Kaya nga ang vice presidential race ay hindi pa rin nasasagot kung sino ang tunay na nanalo dahil nga sa pakikialam ng Smartmatic technician sa computer habang nasa kainitan ng bilangan.

Alam nating lahat na mahigit isang milyon ang lamang ni Bongbong Marcos pero nagising tayo, si Leni ang nanalo. Iyon ngang pagiging second ni Robredo habang nasa kalagitnaan ng bilangan ay nagpataas ng kilay sa maraming botante at political analyst, akalain mong manalo pa!

Maging sa senatorial race, alam na alam natin na dapat ay nanalo sina Congressman Martin Romualdez at Francis Tolentino pero iba ang naging resulta. Later on, nabalitaan na lamang natin ang “ops” para gawing number one si Drilon!

Dahil sa kalokohan ng ilang tao, napagkaitan ng panalo sina Romualdez at Tolentino.

Sa ngayon, masama ang tingin ng publiko kay Chairman Bautista dahil sa pagkakabunyag ng kanyang P1 bilyong assets plus real estate properties ayon na rin sa kanyang misis.

Ang mabigat na isyu dito ay ang mga tinanggap niyang komisyon sa isang law firm. Para saan iyon at sino ang mga taong posibleng magkaloob ng komisyon sa isang Election chairman matapos ang halalan?

Gaya sa Customs, gusto nating mag-ala Taguba si Chairman Bautista at isa-isang ituro ang mga taong nagtangkang agawin ang pagkapanalo kay Duterte at salamangkahin ang magic 12 ng mga senador.

Aminin man o hindi ng sindikato sa bilangan, kung dalawang milyon lang ang naging kalamangan ni Duterte sa kanyang mga naging kalaban, baka iba ang Pangulo natin ngayon dahil sa dagdag-bawas!

Sa ngayon, kailangan natin ng bagong bayani sa katauhan ni Bautista para ibunyag kung sinu-sino ang mga nakialam sa resulta ng 2016 polls para minsan pa ay totoong malinis ang sindikato sa ating mga eleksiyon.

Ibuking mo na sila Chairman para hindi na sila makaporma sa 2019 at 2022 elections!

Back to Blog