Journal Online – Lacson: Rev Gov wala sa hulog

By Journal Online

TINAWAG ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na mga sipsip at sulsol na wala sa lugar ang mga sinasabing taga-suporta ni Pangulong Duterte na nagsusulong ng pagtatayo ng revolutionary government o Rev Gov nitong nakaraang Sabado na ginanap sa Clark Freeport and Special Economic Zone.

“Yan ang gawain ng mga sip-sip na wala sa lugar….Dapat huwag patulan, kasi ito suguro mga nasarapan sa buhay dahil di naman sila Presidente kundi tagasuporta”.

“They never had it so good. Gusto nila siguro mag revolutionary government para wala nang election. Mga sulsol na wala sa lugar. Ang tawag ng mga karpintero riyan ay wala sa hulog”, saad ni Lacson.

Duda rin ang senador na alam ng Pangulo ang isinusulong na revolutionary government. “Nakita natin pag nagsalita maski in private or small group meetings, pagod na pagod na ang mama (PRRD). Maski nang simula pa lang ito ibabagay ko lang, sabi niya tuwing tatawid siya sa Ilog Pasig naka-barge gusto niya tumalon para huwag na makarating ng Malakanyang Palace”.

“Biro niya yan noon pa earlier on, I think 2016-2017, di niya akalain ganyan kalaki ang problemang haharapin niya,” pahayag ni Lacson.

Nataon ang ginawang pagtitipon sa Clark ng mga tagasuporta ni Duterte habang mainit na naging usapan ang tungkol sa tunay na kalagayan ng kalusugan ng Pangulo na ilang ulit ng napabalitang di-umano’y sikretong lumabas ng bansa mula sa Davao patungong Singapore para magpagamot sa hindi pa matukoy na karamdaman.

Ikinatuwa naman ni Lacson na hindi pinatulan ni PNP Chief General Archie Gamboa ang imbitasyon umano para sa naturang pulong. “Mabuti na lang si Gen. Gamboa di niya pinatulan. At walang dapat pumatol sa ganyan. Kasin anong dulo niyan, anong tinutumbok nila? Uner the administration magtayo ng revolutionary government? Anong pakay?” diin pa nito.

Sa manifesto ng mga nagsusulong ng revgov, nananawagan sila sa taumbayan na umanib sa kanilang pagkilos para magdeklara ng revolutionary government na pamumunuan ni Pangulong Duterte at saka magpalit ng gobyerno tungo sa pederalismo.

Ayon naman sa source na bahagi ng ginawang pagpupulong subalit tumangging magpabanggit ng pagkakakilanlan ito umano ay paghahanda na mai-upo ng kanilang grupo ang isang prominenteng miyembro ng senado bilang “caretaker” ng gobyerno pagsapit ng Enero 2021 at bahagi ng kanilang paghahanda sakaling may mangyaring hindi maganda sa kalusugan ng Pangulo.

Ilan pa sa mga pinadalhan ng imbitasyon ng Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC) sa naganap na pagpupulong at manifesto signing ay sina Defense Secretary Delfin Lorenzana at Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Gilbert Gapay na pawang hindi dumalo sa nasabing pagpupulong.

Kinumprima ni Sec. Lorenzana na nakatanggap siya ng imbitasyon subalit hindi raw niya ito sinusportahan. “We do not support them” ang naging maiksing pahayag ni Lorenzana.

Hindi rin kinatigan ng Quezon City Trial Lawyers League Inc. (QCTLLI) ang panawagan magtatag ng isang revolutionary government. “Ang pamamaraang ito ay hindi naayon sa mga umiiral na batas at lantarang paglapastangan sa ating Saligang Batas”, ayon sa kinatawan ng QCTLLI na si Atty. Felipe Egargo, Jr.,na dating ring naging president ng Integrated Bar of the Philippines Quezon City Chapter (IBP-QC) na siyang may pinakamalaking membership.

“Mainam na tapusin at desisyunan na ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang election protest ni Bongbong Marcos laban kay Robredo to once and for all settle kung sino talaga ang lehitimong bise-presidente ng ating bansa kesa sa revolutionary government na magdudulot lang ng kaguluhan at pagkakawatak watak natin”, diin ni Atty. Egargo.

Si Justice Marvic Leonen ng PET ang justice in charge sa election protest ni dating senador Bongbong Marcos na higit apat na taon at kalahati ng nakabinbin at hindi na gumalaw simula pa noong Pebrero ng taong kasalukuyan.

Back to Blog