Journal Online – Bongbong Marcos, umarangkada sa 2 survey, solong No. 1 na!

By Paul Gutierrez | Journal Online

Journal OnlineHindi na maawat ang pag-arangkada ng kandidatura ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa Vice Presidential race nang ungusan nito ang kanyang mga katunggali sa dalawang magkahiwalay na survey na ginanap kamakailan.

Sa survey na kinomisyon ng Manila Broadcasting Company (MBC)-DZRH noong April 2, 2016, lumabas ang pagtaas ng ranking ni Marcos na nakakuha ng 29.8 porsyento upang makuha ang unang pwesto mula sa pinakamalapit na katunggali nitong si Senador Francis “Chiz” Escudero na nakakuha ng 22.6 porsyento.

Sa pangatlong pwesto ay si Senador Alan Peter Cayetano na may 18.4 porsyento at sinundan ni Camarines Cong. Leni Robredo na may 17.8 porsyento. Sinundan sila nina Senador Antonio Trillanes IV na may 5.5 porsyento at Gregorio Honasan na nakakuha ng 4.3 por­syento. 1.6 porsyento naman ang undecided.

Ginamit ng survey ang face-to-face interview sa 7,490 respondents na nakuha sa mga piniling barangay sa iba’t ibang probinsya sa buong bansa gamit ang lakas ng pinakamalaking radio network sa Asya. May 175 stations ang MBC kasama na dito ang DZRH, Love Radio, Yes FM, Aksyon Radio, Hot FM and Radio Natin. It also operates DZRH News Television.

Samantala, nakuha din ni Marcos ang unang pwesto sa pinakahuling resulta ng Pulso ng Pilipino survey.

Sa survey na isinagawa noomg Marso 16-22, 2016 ng Issues and Advocacy Center, nakakuha si Marcos ng 27 porsyentong boto, mas mataas ng tatlong porsyento sa pumangalawang si Senator Chiz Escudero na may 24 porsyento.

Sinagot ng 1,800 respondents ang tanong: “Kung ngayon idadaos ang eleksyon, sino ang iboboto sa mga Vice Presidentiable. Pumili ng isa.” May 98 porsyentong confidence level at + 3 porsyentong margin of error.

Batay sa resulta ng nasabing survey, nakakuha si Rep. Leni Robredo ng 21 porsyento, Senator Alan Peter Cayetano (14%), Senator Antonio Trillanes (7%) at Senator Gringo Honasan (5%).

Nangibabaw din si Marcos sa A/B social classes sa napitas na 27 puntos habang 24, 23 at 24 percentage points sa class C, D at E, ayon sa pagkakasunod.

“Pinapakita ng survey na ang mga batang botante o millennials ay pinipili si Marcos na ang kampanya ay nakasentro sa pagkakaisa at progreso,” pahayag ni Ed Malay, director ng IAC.

Inihayag naman ni Marcos na ang pangu­nguna nito sa mga survey ay patunay na tanggap at tinatangkilik ng sambayanang Pilipino ang kanyang malinaw na plataporma kung saan nakaangkla sa national unity o pagkakaisa ng lahat, maging mga magkatunggali sa pulitika, upang sama-samang isulong ang mga programa ng gobyerno tungo sa pag-unlad ng bansa.

“Ngunit hindi dapat doon lamang magtapos. Magpupursigi kami na palawakin pa ang mensaheng ito sa mas maraming tao upang mabigyan sila ng pag-asa na mas maganda ang kanilang bukas kung tayong lahat ay magkakaisa,” diin ni Marcos.

Back to Blog