Iwanan na ang laos at maduming taktika sa eleksyon

Read the English version here.

Umapela ngayon si Sen. Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa kanyang mga kapwa kandidato sa 2016 elections na huwag nang matuksong gumamit ng laos na taktika ng smear campaign at isentro ang kanilang kampanya sa mga isyu ng bayan.

“Tungkulin natin sa mga botante na itaas ang antas ng diskusyon partikular sa mga matinding isyung hinaharap ng bayan tulad ng problema sa droga, mataas na presyo ng bilihin, at kriminalidad, at kung papano natin balak tugunan ang mga ito,” ani Marcos.

“Sinumang kandidato na gumamit ng patraydor na paninira sa kanyang mga kalaban ay hindi nakakatulong sa ating mga kababayan na naghahanap ng solusyon sa kanilang mga problema. Maaring natutuwa ang iba sa batuhan ng putik pero wala itong maitutulong sa atin,” pagdidiin ng senador.

Kamakailan ay kumalat ang mga text messages ng paninira sa mga kandidato. Kabilang na sa biktima ng ganitong black propaganda sina Sen. Miriam Defensor-Santiago na tatakbo bilang Presidente, at Sen. Marcos na pinili ng senadorang kapartner bilang bise presidente.

Subalit kahit na pinutakte ng ganitong atake si Marcos nangako ito na hindi siya gaganti kundi mangangampanya sa patas na paraan at nakatutok sa mga isyu.

“Lalaban ako ng parehas,” giit ng senador.

Back to Blog