Ipaubaya sa mga historian ang paghusga sa nakaraan

Sinabi ni Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na dapat umanong ipaubaya na lang sa mga historian ang pagtatasa o objective assessment sa naging panunungkulan ng kanyang ama at ibaling na lamang ng mga kasalukuyang lider ang atensyon sa paghahanap ng solusyon sa mga problema ng bansa.

“Kailangan sagutin natin ang taumbayan pagka sinasabi tulungan ninyo kami dito sa mga bagay-bagay na ito, dito sa problemang hinaharap naming—and that is still what we should be doing,” pahayag ni Marcos sa pulong-balitaan na ginanap ngayon (Biyernes) sa bayan ng Balungao, Pangasinan.

Ito ang tugon ni Marcos makaraang hingan siya ng mga mamamahayag ng komento hinggil sa naging panawagan ng Pangulo sa mamamayan na tutulan ang kanyang kandidatura sa pagka-bise presidente at dapat umanong matuto ang taumbayan sa mga aral ng nakaraan.

“Ipaubaya natin ang kasaysayan sa mga propesor, sa mga nag-aaral tungkol sa kasaysayan ng Pilipinas. Kami, hindi namin trabaho ‘yun. Ang trabaho namin ay tingnan kung ano ba ang pangangailangan ng taumbayan ngayon,” dagdag nito.

Idiniin ni Marcos na malaki ang kaibahan ng sitwasyon ngayon sa sitwasyon tatlong dekada na ang nakararaan at ang kasalukuyang mga problema ay nangangailangan ng mga solusyon na iba sa mga ginawa sa nakaraan.

Sa katunayan, tahasang sinabi ni Marcos na hindi sumasagi sa isip niya na masasaksihan niya ang pagdedeklara ng isa pang martial law sa bansa.

“Oh God, no. Because if there’s martial law, ibig sabihin we’re in crisis. Eh ayaw naman nating mapasok ang Pilpinas sa crisis,” ayon dito.

Sa kabila ng mga aksyon ng Malakanyang laban sa kanya, nagpapasalamat pa rin si Marcos na hindi ito nakakaapekto sa kanyang kampanya.

Mainit na tinanggap si Marcos ng mahigit 3,000 katao na dumalo sa multi-sectoral forum na ginanap sa covered auditorium ng bayan ng Umingan kanina gumaga.

“Wala naman kaming narararamdaman na ganun. Yung suporta, yung pagsalubong ng tao ganun pa rin kainit, hindi pa rin nagbabago. Kaya’t nagpapasalamat ako sa lahat ng mga tuluyang hindi nagsasawa sa pagmamahal sa akin, sa pamlya ko, at sa lahat ng aming gustong gawin para tulungan ang bayan,” aniya.

Back to Blog