Interview with Jordan Britos of Radio Mindanao Network

Radio Announcer:  Balikan natin ang napakaimportanteng bisita. Bisita po natin ngayon, walang iba si Senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tumatakbong bise-Presidente ng bansang Pilipinas. Magandang umaga sa inyo Senator Bongbong Marcos.

Senator Bongbong Marcos: Magandang umaga at magandang tanghali sa inyong lahat.

R: Unang-una Senator, ano po ba ang sadya natin dito sa General Santos?

SBBM: Makikipag-kita lang ako sa mga iba’t ibang grupo para mapag-usapan kung ano man ang mga pangangailangan lalo na sa ating mga local government units at tapos ay iyung isa pang grupo, may isa pang NGO na gustong pag-usapan ang mga naging progreso ng mga iba’t ibang batas na tinatalakay doon sa amin sa Senado at syempre makipagkita sa ating mga kaibigan at mangamusta at simula na ngang siguro simula ng pagiikot-ikot para sa maghanda para sa darating na halalan.

R: Senator Bongbong, bakit daw po parang nabulaga ang lahat kasi biglang sumulpot itong Miriam-Bongbong tandem. Ito ba ay matagal na daw na napagkasunduan ninyo?

SBBM: Well, actually hindi rin masyadong matagal dahil si Senator Miriam ay hindi naman nagdeklara hanggang less than one week bago magfiling kaya’t nabigla naman lahat, hindi lang kayo kung hindi siguro lahat ng mga political observer noong biglang nagdeklara siya at sunod doon ay dineklara niya na ako ang kaniyang bise-Presidente kaya’t medyo nagulat lahat. Very informal naman ang aming pagsasama. Ang sinabi nga ni Senator Miriam, ang tawag niya is a very loose coalition. So ganoon ngayon ang aming magiging pagsasama bilang Presidente at Bise.

R: So ano na po ang status at plano ngayon ninyong dalawa sa kampanya kasi maraming ang nagtatanong kung magkasama ba daw kayo sa mga sorties at makikita ba kayo na magkasama din sa may entablado?

SBBM: Well, malamang magkikita pero kasi national campaign, kung minsan magkasama, kung minsan magkahiwalay para mas maraming mapuntahan.

R: Ang alam namin may balwarte po kayo, iyung Solid North, na tila wala sa ibang mga makakatunggali ninyo. Kung sakaling kayo po ay malagay sa pwesto bilang bise-Presidente, ano po daw ang inyong gagawin within 100 days sa inyong panunungkulan?

SBBM: Well, marami tayong hinaharap na problema na sa palagay ko na kahit na hindi natin palitan ang ating mga polisiya, kahit na hindi na tayo magpasa ng bagong batas ay marami na rin tayong magagawa. Halimbawa, ang pinoproblema ng ating mga kababayan, ang problema ngayon, ang number one problem na hinaharap natin iyung pagkalat ng ilegal na droga at hindi na matigil. Palagay ko siguro basta’t gawan natin ng plano para ang ating mga hinihuli ay hindi lang iyung mga small time na nagbebenta sa tabi-tabi kung hindi iyung talagang mga drug lord na dapat nating mahuli na para matigil na itong mga nangyayari. Hindi lamang dahil krimen ito ay mas mahalaga ay winawasak ang kinabukasan ng ating mga kabataan. Pagka-iyan ang nangyari ay napakalaking problema para sa ating lahat at kasama nito sa peace and order, sa kapayapaan, ang problema ng mga presyo, na mataas ang presyo ng bilihin. Kailangan nating gawan ng paraan iyan at sa palagay ko ang pinakamabilis para maayos iyan ay ayusin natin ang ating agrikultura dahil sa nakaraang ilang taon ay wala ng ginagawa para tulungan ang agrikultura. Import lang tayo ng import kaya naman ang mahal-mahal ng mga bilihin. Syempre kailangan gumawa ng sistema ang gobyerno para ang presyohan at bilihan ay farm gate price. Huwag lang iyung maraming middle man para paakyat ng paakyat ang presyo. Kailangan ayusin natin ang mga pagdeliver ng ating mga goods and services. Kailangan maimprove ang transport and communication. Lahat ito. Halimbawa dito sa Mindanao, nagiging krisis na talaga ang power problem. Kailangan bigyan talaga natin ng pansin para matigil na iyung ating mga brownout. Hindi lang sa Mindanao kung hindi sa lahat na ng Pilipinas ay ramdam din iyung water shortage dahil wala tayong bagong inilagay ay kailangang tignan natin ang mga bagay-bagay na iyan. Ang trabaho ang problema ng tao ay sinasabi na iyan ang isa sa pinakamalaking concern hindi lamang ang unemployment kung hindi iyung underemployment. Kailangan siguro ang gobyerno ay magtayo at magsimula ng mga programa para itraining iyung ating mga manggagawa para sila ay handa na pumasok sa labor market pagdating ng panahon. Itong mga bagay-bagay na ito, puede rin nating tingnan yung sa imprastraktura. Tignan natin kung bakit sa dinami-dami ng mga pinopropose na foreign assisted projects bakit ang bagal ng ating implementasyon. Naiiwan-iwanan na tayo sa imprastraktura kaya’t kailangan tignan natin kung papaano pagandahin ang proseso para iyung mga ibinibigay sa atin ng ating mga kaibigan na ibang bansa ay mapakinabangan naman at hindi lang pinag-uusapan. Tapos pag papasok sa sistema ay hindi na natin nalaman ay ilang taon na ay hindi pa naimplement. Kailangan ayusin natin iyung sistema sa gobyerno. So, makikita ninyo, wala namang bagong polisiya. Ang kailangan. Kailangan pagandahin lang ang sistema kung ano iyung nandoon ngayon. Sa ganoong paraan ay makakatulong tayo sa mga pinag-aabalahan ng ating mga kababayan ng mga issue.

R: Iyan problema ngayon Senator ang tanim-bala sa NAIA. Nagsanga-sanga na po ang isyu at maging kayo din po ay parang gusto niyo na magbitiw sa puwesto itong si GM Honrado. Iyung iba naman, gustong iamend iyung gun control law at iyung iba tila insensitive yata sa ating mga OFW. Ang sabi nila ay talian nalang daw ng mabuti ang mga bagahe. Sainyo po Senator, ano po ang nakikita niyong solusyon tungkol dito?

SBBM: Ang solusyon tungkol dito ay imbestigahan nila, hulihin nila Iyung mga gumagawa niyan at ikulong. Ganoon lang kasimple iyan. Bakit sinasabing babaguhin ang batas? Wala namang problema iyung batas. Ang problema iyung gumagawa ng kalokohan na naglalagay ng bala sa bagahe ng OFW. Hindi nila dapat gawin iyan. Bakit pinababayaan nilang gawin iyan at kung sino-sino pang isinisisi na iyung batas, iyung sinsabing anting-anting. Kalokohan lahat iyun. Raket ito. Raket ito ng sindikato. Hulihin nila iyung sindikato, kasuhan nila at iyung mga nagpabaya na iyan si General Manager, incompetent. Tanggalin na iyan. Bakit pa natin ipinipilit? Nangyari ito under his watch. Kung nangyari ito sa, itanong mo sa kahit na sinong mga local government official dito, iyung mga nahalal na local government official, kung ginawa namin iyan at pinabayaan namin mangyari iyan, sa susunod na halalan, siguro wala na kaming makukuhang boto. Bakit ito? Dahil appointed ay kahit na anong gawin, kahit anong mangyari ay hindi tinatanggal. Tapos kung saan-saan isinisisi na dapat iyung bag daw ay ilock, dapat ay ganito daw, dapat daw. Hindi iyan ang solusyon. Ang solusyon, hulihin mo iyung gumagawa ng krimen at kasuhan mo, ikulong mo. Hindi ko maintindihan kung bakit ganyan ang naging reaksyon ng pamahalaan na imbis na ayusin ang problema, pinagtatakpan nila iyung mga abusado at saka iyung mga gumagawa. Pinapabayaan iyung mga sindikato, iyung mga raket na ibiktima ang ating mga OFW na wala namang ginawa kung hindi magsakripisyo, walang ginawa kung hindi magtrabaho, kung hindi magsipag, kung hindi magtiyaga, kung hindi tulungan ang ekonomiya ng ating bansa. Hindi ko talaga maunawaan kung bakit ito’y pinag-uusapan pa. Dapat iyang mga gumagawa niyan ay matagal ng nahuli. Dapat iyung mga nagpabaya na pinabayaan na mangyari ito na ilang taon na ay dapat, at the very least, dapat tanggalin sa puwesto. Sa palagay ko dapat kasuhan pati.

R: About kay Senator Grace Poe, willing daw po kayo na magpa-DNA test? Bakit po?

SBBM: Syempre maraming nagtatanong, magpa-DNA ka daw, magpa-DNA. Sabi ko, bakit hindi? Wala naman akong tinatago doon sa aking DNA. Hindi ko lang alam kung makakatulong sa kanya. Pero kung gugustuhin nya, bakit hindi?

R: Pero sa tingin niyo po Senator, ito ba ay may election issue dito? Kasi matagal na itong parang tsismis na magkapatid daw po kayo.

SBBM: Palagay ko ay tsismis. Ang tsismis iyan na iyun, tsismis. Wala naman, basta’t napag-uusapan ng tao, ng maraming tao ay nagiging totoo na iyung tsismis. Pero ewan ko. Kaya naman sinasabi namin dalawa ni Senator Grace, kaya ginagawa nalang naming joke. Ang tawag ko sa kanya is “sis”, ang tawag naman niya sa akin ay “kuya”. Para nalang hindi na namin kailangan ipaliwanag pa, kung ano-ano pa na hindi totoo ito, na wala namang katotohanan, wala namang pinanggalingan iyang istoryang iyan. Hindi ko alam kung bakit magiging election issue iyang tsismis? Ang election issue ay iyung mga tunay na nangyayari. Hindi iyung tungkol sa tsismis na kinalat lang na kwento na hindi naman totoo.

R: Iyun naman pong BBL. Sa inyo po ay itong substitute bill na title yata ay “Basic Law for the Bangsamoro Autonomous Region” o “BLBAR”. Ano po ang nakikita niyong tsansa? May chance ba na mapasa ito?

SBBM: Syempre may chance basta’t pagandahan natin ng husto. Iyun naman ang pinakaimportante sa proseso ng lehislatura. Kailangan natin na pagandahin iyung batas para magkaroon talaga ng tunay na kapayapaan. Dahil sa aking pananaw at sa pananaw ng marami na iyung unang draft ng BBL ay unang-una, hindi ligal- uncostitutional. Pangalawa, kung pag-aaralan natin ng mabuti, hindi talaga magdadala ng kapayapaan sa Muslim Mindanao. Kaya’t palagay ko tama iyung aming ginawa na tinignan ng mabuti at pinag-aralan ngmabuti at hindi tayo napilitan ng mga namimilit na basta ipasa lang, basta pikit-mata ipasa nalang. Sa aking pananaw ay talagang walang mangyayari diyan. Pinagpapatuloy pa rin namin ang pagtalakay at pagdeliberate diyan sa batas na iyan at sa kasalukuyan, nasa period of interpellation si Senator Enrile ngayon ang nagtatanong na tungkol nga sa “Basic Law on the Bangasamoro Autonomous Region”. Siguro tatapusin na muna natin Iyung mga tanong ng mga iba’t ibang Senador tapos para tuloy-tuloy naman ang proseso. Sa palagay ko ay basta’t pagandahin lang natin ng husto iyung Basic Law, palagay ko naman papasa iyan.

R: Balikan lang natin Senador itong tanim-bala. Iyung isang biktima po, si Aling Gloria. Taga- Ilocos Norte daw po iyun, iyung sa probinsya ninyo. Ano pong tulong na ginagawa natin sa kanya?

SBBM: Well, nagpatulong tayo. Unang-una, kasi ang kaniyang inaalala sa lahat ay ang mawalan siya ng trabaho. Kaya’t kino-contact namin iyung kaniyang amo sa Hongkong pero mukhang hindi marunong mag-english kaya’t hindi namin makakausap. Pero nagpatulong ako sa Chinese Ambassador, na para kung mayroon siyang kayang gawin na ipaliwanag na ang nangyari doon kay Manang Gloria ay siya naman ang biktima. Wala naman siyang ginagawang mali at nasangkot lang siya dito dahil nga sa kalokohan na nangyayari sa NAIA. Sana naman ay magawan ng paraan na hindi naman mawala iyung kaniyang trabaho at wala naman siyang kasalanan dito sa mga nangyaring ito.

R: Ok maraming salamat po Senator Bongbong Marcos.

SBBM: Thank you very much at maraming salamat sa inyong lahat. Thank you.

Back to Blog