Interview with Cely Bueno of DWIZ for the program Balitang Senado

Cely Bueno: Magandang hapon po.

Senator Bongbong Marcos: Good afternoon Cely. Good afternoon sa mga nakikinig. Magandang hapon sa inyo.

CB: Sir, kaya lang hindi ‘ho ata maganda iyong ating weekend. This morning napabalita iyung terror attack na nangyari ‘ho diyan sa Paris.

SBBM: Oo nga. Iyun ang sumalubong sa pag gising natin kaninang umaga. Napaka lagim ng mga pangyayari sa Paris. Tayo naman ay siyempre nakikiramay tayo sa lahat ng mga namatayan. Sana naman ay matigil na itong ganitong klaseng mga terrorist attack. Sana naman ay walang Pilipinong na-involve.

CB: Pero ‘ho Sir, the mere fact na mayroong gagawin dito sa ating bansa, maghohost tayo ng APEC Summit. Next week may mga dadating na world leaders. Sa tingin niyo, the mere fact na may nangyaring terror attack sa Paris, may pangangailangan para mas pahigpitin pa itong security measure na ipapatupad po ng ating gobyerno?

SBBM: Well, ako naman ay marami tayong kaibigan sa kapulisan at kausap ko sila tungkol nga dito sa darating na mga heads of state para sa APEC. Palagay ko lahat ng puedeng gawin, nagawa na nila at lahat ng ating kakayahan na pagsecure ng dalawpu’t dalawang heads of state, ay ginagawa na nila. Sigurado, pagkatapos ng pangyayari sa Paris, siguradong titignan nila ulit at uulitin nila ang pag-inspeksyon ng lahat ng mga paghanda nila. Kailangan talaga nilang alamin ng mabuti kung may threat. So far, wala namang nababalitaan o iyung mga intelligence na ating mga pulis at iyung mga military ay wala namang sinasabi. Pero syempre, sa mga ganyang karami na labis sa dalawampung heads of state, ganyan karami na mga VIP at mga importanteng VIP ay nasa isang lugar, kailangan talaga nating bantayan ng mabuti. Ang maganda lang dito, dito sa APEC ay hindi lang ang PNP, hindi lang ang Pilipinas ang mga gumagawa ng security measures, kung hindi lahat ng mga bumibisita rin na heads of state, iyung kanilang mga militar, at kanilang kapulisan ay tumutulong naman. Hindi lamang sa tauhan, kung hindi pati sa impormasyon kung mayroon man silang nalalaman.

CB: At ang pagdarausan daw Sir nitong mga activities sa APEC Summit ay PICC, World Trade. Mukhang ito ang mga gusali sabi ng ating texter na ito po ay naipatayo sa ilalim ng Marcos administration.

SBBM: Oo. Nakakatuwa naman at mayroon naman tayong maipagmamalaki na mayroon tayong PICC at lahat ng mga ibang facilities. Para naman itong ganitong klaseng mga world class na convention, na meeting, na conference, ay maaaring ganapin dito sa Pilipinas sa maganda namang mga facilities na hindi tayo mapapahiya. Itong mga APEC Summit na ganito, ito ay isang pagkakataon para maipagmalaki natin ang Pilipinas- pagmalaki natin ang kakayahan, ang potensiyal ng mga Pilipino. Kasama na rin diyan kung ano ang ating paghanda. Kasama na rin diyan kung ano iyung mga facilities na nandito sa atin.

CB: So nabanggit niyo iyan kasi nagtatanong ‘ho ang ating mga pangkaraniwang kababayan na ano ba daw iyung ganansiya or benefits na maibibigay sa bansa ng paghohost ng APEC Summit?

SBBM: Economic syempre. Ito iyung Asian- Pacific Economic Community. Lahat ng nakapaligid sa Asya at sa Pacific Ocean ay nagsasama-sama dahil ito ang ating mga trading partner kaya’t kinailangan natin makipag-ugnay sa kanila para kasama tayo sa paglahok at sa pagdedesisyun tungkol sa anong gagawin sa ating ekonomiya sa darating na ilang taon. Importanteng-importante ito na maipakita natin na may malaking role na gaganapin ang Pilipinas para naman mas maging masigla pa ang ating trade. Lalo na tayo ay marami tayong OFW. Para iyun din ay mabantayan din natin ang kalagayan ng mga ating OFW na nasa iba’t-ibang bansa na kasama dito sa APEC. Kung talagang maganda, kung ano ang mapapag-usapan, kung tayo pa ay makakuha ng mga halimbawa ng mga opening for trade, para gawin ng trade natin, padamihin ang ating trade, that’s the lifeblood of our economy. Ang trade at kailangan na kailangan natin maging buhay na buhay ang ating pagsasama-sama sa ating mga APEC na partners para naman ay maayos ang paglaki at pagpaganda at pagpasigla ng ating ekonimiya.

CB: So, sulit po na maglaan tayo ng almost 10 billion pesos sa paghohost dito sa APEC Summit?

SBBM: Well, hindi natin maiiwasan siguro iyung ganyang klaseng gastos. Parang malaki nga iyung 10 billion, pero siguro I’m sure ito’y titignan natin kung talagang nagamit sa tama ito. Pero ako ay sang-ayon ako diyan sa ganyang klaseng mga pag-uugnay lalo na dito sa global economy natin ngayon lalo na ito’y pandaigdig. Lahat ng ating mga negosyante, lahat ng mga korporasyon ay pandaigdig na ang kanilang mga ginagawa kaya importanteng-importante na pandaigdig din ang ating pagplano kasama nga natin ang ating mga partners sa APEC. Kung 10 billion talaga ang nagastos, titignan natin at ginamit naman sa tama, palagay ko naman pagkamakita na mayroon tayong maiuuwi na mas malaki ang halaga sa 10 billion, nabawi na natin ang ating nagastos.

CB: So Sir, kayo naman ay wala namang naapektuhan na mga flight next week? Kasi iyung mga commercial flights, marami ay kanselado, suspended. So wala naman ‘ho kayong nakaschedule na flight na naapektuhan nito?

SBBM: Mayroon din. Mayroon dapat pero hindi na bali. Marami naman akong iniikut-ikutan. Puede naman mag Thailand. Puedeng mag-adjust. Madali naman mag-adjust.

CB: Sir, isa kayo sa talagang tumutok, nag-imbistiga, ginisa niyo iyung mga airport officials doon sa first hearing ng Blue Ribbon at ng Public Services Committee na may kaugnayan nga dito sa tanim-bala scam. Ngayon mukhang sinasabi ang NBI, ay tinitignan daw po iyung anggulo na maari daw pong bahagi ng plano na isabotahe o idestabilize ang administrasyong Aquino para madiskaril iyung kanilang mga kandidato sa 2016 elections. Would you like to comment on that Sir?

SBBM: Parang masyado atang malabo iyung anggulong iyun. Ano ang kinalaman ng tanim-bala sa eleksyon? Siguro kahit anong pang mangyari sa tanim-bala, wala namang maaapektuhan na kandidato diyan. Wala naman. Ang nakikita natin ay iyung mga isang sindikato na gumagawa ng mga ganitong klaseng krimen, papaano naman niyan maaapektuhan ang takbo ng kampanya o takbo ng eleksyon na kahit saang kandidato. Hindi ako naniniwala. Unang-una sa lahat ng narinig natin noong unang hearing, wala akong naririnig, walang nasabi doon sa hearing na iyun na iisipin mo, siguro sabotahe ito. There’s no evidence to that effect. Iba ang ating natuklasan. Hindi tungkol sa pulitika ito. Ito ay tungkol sa korupsyon sa loob ng airport.

CB: Naalala ko ‘ho dahil natutukan ko ‘ho iyung buong hearing na wala ngang napag-usapan na may anggulong ganoon, na ito ay may kaugnayan sa pulitika, pero ngayon nga ‘ho ay nagsasalita itong si DOJ Spokesman Emmanuel Caparas na sabi niya, iyun daw pong NBI investigation, hindi lang nakatutok sa sinasabing sindikato sa NAIA, dahil may natanggap daw po silang informationkaya’t may possibility nga daw po na itong serye ng tanim-bala ay bahagi nga ng planong isabotahe ang Aquino administration. Siguro po kaya ginagawan nila ng ganoong anggulo dahil alam natin ang DOTC Secretary Jun Abaya ay opisyal ng LP. Tapos dating DOTC Secretary si Secretary Mar Roxas. Kaya baka po may ganoon silang senaryong nakita.

SBBM: Pero hindi talaga. Parang mahirap din makita ang koneksyon dahil angnyayari naman ito kahit walang eleskyon. Kahit walang kampanya, kahit walang LP na kandidato, kahit na walang nakaupo, tuloy pa rin iyung nakaraang ilang taon, parami ng parami itong tanim-bala. Wala pa namang kampanya. Kaya’t palagay ko walang koneksyon ito. Siguro kung nakatanggap ang DOJ ng impormasyon na ganoon, ay kailangan nilang imbestigahan. Pero kung ako ang tatanungin ay palagay ko malayo siguro doon sa pulitika ang pangyayaring ito. Sa aking pananaw at sa aking rinig noong ating hearing ay palagay ko, simpleng simple lang ito. Hindi na natin kailangan gawan pa ng napaka kumplikadong kwento. Ito ay mga personnel sa loob ng airport na gumagawa ng kalokohan at nagtatanim ng bala sa bag ng mga pasahero para kaltasan sila ng kwarta. Ganoon lang kasimple iyan. Kailangan itigil iyan. Kailangan hulihin kung sino ang may kagagawan nito, kung sino ang mga namumuno ng mga sindikato, at kung sino ang naging negligent sa kanilang trabaho. Dahil doon sa ating hearing, hindi ako masyadong nabilib doon sa mga nagpapatakbo sa airport. Hindi masyadong efficient ang kanilang trabaho.

CB: Lalo na siguro po iyung si MIAA General Manager. May nagtext ‘ho, hindi daw po talaga dapat tawagin siyang “General Manager” kung hindi, “Coordinator” lang dahil iyun daw po ang kanyang trabaho, to coordinate doon sa mga agencies na nakapailalim sa kanya.

SBBM: Papaano niya ikocoordinate, sinasabi niya, siya mismo nagsabi na wala siyang kontrol. Kung wala siyang control, anong ginagawa niya doon? Ano pa ang pagka general manager niya? Siya ang nagpapatakbo dapat ng airport, at kahit pulis ang kausap, kahit OTS, kahit Aviation Security Group, kahit na iyung mga contractual, lahat iyan ay kailangan siya ang nagmamando niyan. Siya ang nag-uutos diyan para maganda ang takbo ng airport. Kaya naman siguro ay maraming nangyayari ng ganito kasi si Manager Honrado parang hindi niya alam iyung trabaho niya. Nagulat nga ako noong sinabi niya na kahit anong mangyaring krisis, wala daw siyang responsabilidad dahil hindi naman daw siya ang namamahala. Sino ang namamahala kung hindi iyung General Manager? Tapos nakita natin na kalaki-laki ang budget na dumadaan sa kanila. Kalaki-laki ang mga koleksyon nila, bilyon-bilyon. Mayroon pang nakita na 1.6 billion na intelligence fund ang general manager ng NAIA. Sa dinami-dami ng pondo na hawak niya, wala siyang nagawa para ayusin itong problemang ito. Talagang ito, malaking kakulangan at palagay ko hindi man niya alam ang trabaho niya, o kung alam man niya, hindi niya kaya tuunan ang mga problema, hindi niya kaya patakbuhin ang airport, siguro magbitiw na siya at maghanap siya ng trabaho na alam niya.

CB: Kaso nga po, marami ng nananawagan na nauna na nga kayo, na dapat siyang magresign o kaya’y sibakin. Mukhang ang sinasabi ni Honrado, hangga’t hindi naman siya tinatanggal ng nag-appoint sa kanya, mananatili daw po siya sa puesto.

SBBM: Paliwanag niya doon sa mga OFW na nabiktima na ganoon kakapal ang mukha niya. Hindi ba siya nahihiya? Kahit hindi siya mismo ang nagtanim ng bala, responsabilidad o may pananagutan siya dahil siya ang manager. Iyan ang tinatawag na command responsibility. Kaya’t kung sa palagay niya wala siyang responsabilidad, wala siyang pananagutan, ay talagang hindi niya naiintindihan kung ano dapat ang magiging trabaho niya. Kung hindi niya alam ang trabaho niya, hindi niya magagawa, bakit pa siya nandiyan?

CB: So, bukod po kay GM Honrado, doon sa hearing na narinig niyo iyung kanilang mga paliwanag at nakita niyo ang mga kapalpakan, sino pa ang lumalabas po na mga officials na sa tingin niyo’y inefficient?

SBBM: Lahat sila hanggang kay Secretary Jun Abaya. Sila ang nagpapatakbo ng aiport. Sa aking opisina, kapag mayroong nangyari sa opisina ko na hindi dapat mangyari, kailangan kong ayusin iyun. Kung pinababayaan kong magtuloy-tuloy iyung hindi magandang pangyayari o masyadong mahina ang takbo, walang natutulungan, kung ganoon, kailangan mong hanapin kung ano iyung problema, ayusin mo. Iyan ang trabaho ng administrador. Iyan ang trabaho ng isang manager. Ang DOTC siya ang namamahala sa airport. So, kahit papaano, ito pa naman ang gateway sa Pilipinas. Hindi ito isang domestic aiport na malayo na maliit na wala namang flight na international. Ditto pumapasok lahat, halos lahat ng ating mga international na bisita. Kaya naman hindi ba napakalaking bagay lalo na hindi lamang sa tourism pero sa ating reputasyon sa buong mundo, kaya laging nababanggit na kailangan ayusin at pagandahin iyung airport dahil syempre ito’y napakaimportante lalo na dito sa Maynila. Tignan natin. Dapat maimbestigahan talaga kung sino ang nagkulang, kung sino ang hindi ginawa ang trabaho niya o kung sino ang nagbulag-bulagan dito sa mga sindikatong gumagawa ng ganitong tanim-bala. Ang problema, lahat ng narinig natin doon sa hearing, wala silang sinasabing iimbestigahan nila o hahabulin nila iyung mga gumawa ng pagkakamali. Ang kanilang ginagawa ay sinisisi lahat ng ibang tao. Ang bag ng OFW sinisisi tapos dahil iyung batas daw kailangan palitan. Ang dami-daming sinasabi na wala namang kinalaman dito. Ang problema hindi batas. Ang problema ay hindi iyung bag ng OFW. Ang problema iyung mga loko sa loob ng aiport na nagtatanim ng bala sa bag ng ating mga biktima at kinakaltasan, hinihingian ng pera para hindi kasuhan. Iyun ang problema. Hanggang ngayon, hindi pa nila kinikilala iyun. Hanggang ngayon, sinasabi nila, mayroon nanamang bago, dahil sabotahe sa pulitika. Simple lang ito. Kung sabotahe sa pulitika sino ang mag-iisip? Sasabotahe ko ang administrasyon, maglalaglag ako ng bala sa mga bag ng OFW. Napakalayo naman noon. Hindi kapani-paniwala. Parang wala silang kinikilala na pananagutan. Kasalanan ng kahit sino pang OFW, batas, iyung sistema, lahat may kasalanan pwera lang sila, iyung sarili nila. Tanggapin naman nila na mayroon silang responsibilidad. Tanggapin nila na mayroon silang pananagutan dahil iyan ang trabaho nila at hindi nila natupad.

CB: So Sir, sinasabi na sa susunod na mga linggo, maaaring maipalabas na ng NBI iyung report kaugnay noong kanilang ginawang imbestigasyon dahil may binuo nga pong task force para sa tanim-bala. Kung sakali po na ang palabasin nila ay sabotahe ito, hindi niyo po ito, hindi magiging katanggap-tanggap para sa inyo?

SBBM: Depende kung anong ebidensiya ang ipakita nila. Syempre tayo naman pagka may imbestigasyon para magkaroon ng finding, para malaman kung ano ba talaga ang nangyari, kailangan tignan ang ebidensiya. Kung mayroon silang maipakitang ebidensiya, babawiin ko lahat ng sinabi ko. Pero hangga’t wala iyun, hindi ako makapaniwala na kasama ang pulitika dito sa problemang ito. Sa aking pananaw ito lang ay simpleng pagnanakaw o panghoholdap. Parang holdap lang ito. Balackmail lang ito na ginagawa at binibiktima iyung mga pasaherong dumadaan sa airport.

CB: Mayroon na pong ilan na mga lumalabas, although hindi pinapakita iyung mga mukha na mga dati yatang security personnel. Inaamin po nila, dinedetalye pa, paano iyung modus para kanilang itanim iyung bala o ilagay iyung bala sa bag ng isang OFW at ng isang senior citizen. Dapat po bang paharapin iyung mga iyun?

SBBM: At saka mula noong nangyari iyung hearing at mula noong lumabas iyung mga report, mayroon pa tayong mga nabalitaan at nakuha pang pangalan na naging biktima rin. Simple lang na nahuli. Sinasabi sila nga ay nahulihan ng bala, hiningan sila ng pera. Iyung iba nagbayad, iyung iba hindi naman kayang bayaran, nakasuhan. Noong medyo may binigay na abogado, umatras rin at sinabing sige pakawalan na lang dahil natakot din siguro. On-going ito. Hindi naman ito nangyari last week lang, o 2 weeks ago. Matagal ng nangyayari ito. Matagal ng pinababayaan na mangyari.

CB: Pero maganda po bang initial remedy na ginagawa ngayon ng mga airport officials, mayroon daw pong mga prosecutor na nakaposte sa NAIA at mukhang maglalagay ng help desk.

SBBM: Siguro palagay ko ang prosecutor ibig sabihin sasampa. Ang prosecutor sumasampa ng kaso. Sino ang magdedepensa doon sa mga sasampahan ng kaso? Siguro ang mas maganda, lagyan natin ng opisina ng PAO or representative ng PAO. Dahil ang PAO- Public Attorney’s Office, ang mga nagdedepensa doon sa mga naakusa na walang kaya para magbayad sa isang abogado. Bakit prosecutor’s office? Ang prosecutor’s office, ang trabaho nila magsampa ng kaso. So, bakit sila maglalagay ng prosecutor’s office doon? Para sampahan nanaman ng kaso kung sino nanaman ang nataniman ng bala. Parang mali ang reaksyon. Parang hindi kaugnay doon sa problema. Basta’t gumagawa sila. Lalagyan ng prosecutor’s office. Bakit? Prosecutor’s office sasampahan nanaman ng kaso ang biktima.

CB: Okay Senator, nabanggit niyo po noon na kung sakali kayo’y palarin na maging bise-presidente, parang isa sa target niyo ang DOTC. So kung sakali nga daw po, anong maaasahan ng publiko sainyo para masiguro na hindi na magkakaroon ng ganitong insidente sa ating mga paliparan, itong problema sa transportation?

SBBM: Ano iyan, problema ng management. Syempre kailangan natin ang maging mas maayos ang sistema. Kailangan we are vigilant, lagi tayong nakabantay na hindi pababayaan mangyari ito. Pagka mayroon ng nangyaring ganyan, imbestigahan kaagad at alamin ng tunay kung ano iyung pangyayari at kasuhan at sampahan ng kaso kung sino ang gumawa niyan. Huwag tayo maghahanap ng dahilan sa iba. Huwag natin sinisisi ang buong mundo, para takpan ang ating mga sarili. Kung talagang may nangyari sa ilalim ng pamumuno ng isang secretary, ng isang general manager, tanggapin naman nila na may pagkukulang sila. Ayusin nila iyung problema. Hindi na baling maparusahan, hindi ko sinasabing kailangan silang parusahan. Ang sinasabi ko, ang problema sa lahat ng ibang bigay, ang gawin nila, hangga’t maimbistigahan nila ng mabuti kung paano nangyayari iyan at gumawa sila ng hakbang na hindi na maulit. Iyan ang trabaho ng manager. Iyan ang trabaho ng secretary. Iyan ang trabaho ng administrador. Kailangan dapat talaga nilang ayusin kung ano man ang problema na nakikita nila doon sa kanilang departamento.

CB: Iyun na nga lang nagyaring turuan ay konkreto ang ebidensiya na may mali sa sistema nila dahil nagtuturuan po sila.

SBBM: Oo. Kailangan pa namin pilitin kung sino ang may hawak ng CCTV doon sa mga Amerikano na naging biktima sa tanim-bala. Nakakaawa iyung mga Amerikano. Pumunta dito para maging pastor. Ipinagbili lahat ng kanilang mga ari-arian para pumunta rito at pumunta sa Palawan para magtayo ng mission, na mga missionary sila. Tapos ganito ang ginawa natin sa kanila. Nakakaawa masyado. Hindi na tama. Talagang hindi na tama ang kanilang ginagawa dahil dapat naman kilalanin nila na iyung mga pangyayaring iyan ay hindi maaaring pabayaan at hindi basta’t palusutin na lang kasi kaibigan, kasi malapit o kasi ka-alyado. Itigil na natin yan. Kailangan ang katarungan ay katarungan. Hindi nangingilala iyan ng kaibigan, hindi nangingilala ng ka-alyado. Kung sino man ang maabutan ay talagang sorry na lang. Kung gumawa ka ng katiwalian ay dapat malaman at dapat managot kung sino man ang reponsable.

CB: Sir, may ilang mga text lang itong ating mga listeners. Kay Senator Bongbong, hindi niyo pa minasama na tinanggihan ng inyong “sis”, ni Senator grace Poe, iyung offer niyo na magpa-DNA test?

SBBM: Bakit ko naman imamasama? Offer nga. Ito ay offer nga kung makatulong. Kung hindi naman makatulong, hindi niya kailangan, bakit naman ako mamimilit? Saka iyan ay para lang makatulong dahil kayong mga media, panay ang tanong ninyo kung handa kung gawin iyung DNA test. Kaibigan ko naman si Senator Grace, bakit hindi?

CB: Isa pa daw po, may panahon pa po ba kayo doon sa BBL? Ano na po ang kahihinatnan nito sa Senado?

SBBM: Ang BBL ay tulad pa rin. Pagka session ay nag-iinterpellation at nagtatanong iyung mga ibang senador tungkol doon sa substitute bill na finile ko. So tuloy-tuloy ang proseso sa Senado. Ang katotohanan ang problema sa BBL ay hindi sa Senado, kung hindi sa House of Representatives. Noong nakaraang ilang buwan, mga dalawa o tatlong buwan na, tinigil na nila iyung mga deliberation sa BBL dahil marami silang dapat gawin na pinrioritize nila iyung mga ibang bill na nasa Kongreso. Sa palagay ko sa amin sa Senado, palagay ko basta’t mapag-usapan namin lahat ng mga detalye, lahat ng mga proposal ng iba’t-ibang Senador at maisama natin lahat ng kanilang mga iniisp, palagay ko makakapagpasa tayo ng magandang basic law bago matapos itong term na ito.

CB: Are you confident with that Sir na may chance?

SBBM: I really believe that. I really believe that. Kung titignan natin, there are only one or two major questions left doon sa substitute bill. Iyun, kailangan pag-usapan. Palagay ko, kung tapat ang mga senador na gusto talaga nilang pagandahin ng mabuti iyung basic law, kung sa ganoon ay maging matagumpay iyung ating gagawing Bangsamoro Autonomous Region. So kung magawa nga namin lahat iyun, hindi naman kami nagaaway-away, napapag-usapan namin lahat iyan. Kung makahanap kami ng common ground at sa palagay ko makakahanap kami, kayang-kaya pa siguro sa term na ito.

CB: May oras pa. kasi po sabi nga po ni Senator Serge Osmena, baka daw next year, iyung January session ninyo mahirapan na makabuo daw ng korum. Wala ng majority na pumasok.

SBBM: Tignan natin. Tignan natin. Basta’t ako ang sinasabi ko, kung maipapagpatuloy natin iyan. Pagka iyun na nga, pagkamakahanap na tayo ng isang version na tanggap ng lahat, palagay ko ay makakahanap pa tayo. Magagawa pa natin ito sa term na ito. Medyo gipit sa oras dahil pagbalik namin budget na after noong APEC week. Ang tatrabahuhin namin ay budget na. Pagkatapos ng budget, puede naman balikan iyung BBL ulit. Sabi ni Senator Enrile, siguro isa o dalawang session na lang siya. Si Senator Miriam, gusto niyang mag-interpellate. Pagkatapos noon, aayos-ayusin na namin iyung versión. Kung maganda iyung pagkaayos noong versión, puede ng ibalik sa floor, ipaikot sa mga Senador at palagay ko sasang-ayon namn sila basta’t nakita nila na iyung kanilang gustong palitan ay nabigyan ng solusyon. Palagay ko ay sila ay susuporta naman.

CB: Okay. Panghuli na lang po Senator Bongbong. Nafinalize na po ba daw ninyo ni Senator Miriam ang magiging senatorial line-up? Kasi kayo lang po ang nakapagbigay ng mga pangalan na gusto niyo. Ngayon po ba ay nagkaroon na kayo ng kasunduan kung sino iyung magiging final sa listahan?

SBBM: Ang totoo, hindi pa nabubuo dahil alam ninyo, iyung pagbuo ng senatorial line-up, una mayroon talaga sa ilalim ng isang line-up namin mismo. Mayroon naman niyan, adopted sa ibang partido. Kung minsan kumplikado iyun pag-adopt doon sa iba dahil kailangan nila, hindi naman permiso pero kailangan nilang masabihan ang kanilang partido kung papayag na hihingi sila ng suporta, hihingi sila ng pag-adopt ng candidates. Kaya’t nandoon na tayo ngayon. Iyung listahan, labis nga sa isang dosena, medyo lumagpas. Pero iyung mga senador o iyung mga aming maaring maging senador sa line-up namin ay sinasabi nga namin, ikaw ba ay gusto mong sumama dito at kung papayag ang partido ninyo, kung may komplikasyon, kung ano. So nandoon tayo ngayon.

CB: So kailan po iyung final list? This month o mga next month pa po?

SBBM: Alam mo mga lahat ng halos lahat basta’t tungkol sa mga line-up, tungkol sa mga issue ng election, lahat ay nakatutok sa deadline na December 10. So, bago siguro magpasko, very soon after, kailangan matapos na iyan. Certainly before the campaign period starts.

CB: Maraming salamat po sa oras na ibinigay niyo sa aming programa, Senator Bongbong Marcos.

SBBM: Thank you Cely. Maraming salamat at magandang hapon sa lahat ng mga nakikingi. Good afternoon po.

CB: Good afternoon.

Back to Blog