Infrastructure sa Internet susi sa mas maraming trabaho, mas mabuting ekonomiya

Nanawagan si Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na magkaroon na ng isang mas malinaw at komprehensibong imprastraktrua para sa Internet upang paganahin ang mas maayos na serbisyo sa telecommunications ng bansa.

Sa isang pahayag, sinabi ni Marcos, tumatakbong bise presidente, na ang pagpaplano ng imprastraktura sa internet ay mahalaga para sa kahit anumang umuunlad na bansa. Para sa senador, ang pag-unlad ng inprastraktura ng internet ang isa sa mga susi upang lumikha ng mga trabaho, magbigay ng mas maayos na serbisyo at lumago ang ekonomiya,

“Bago pa man dumami ang mga trabaho, kailangan nating palawakin ang ating ekonomiya. Unang-una palawakin ang inprastraktura, kasama na dito ang Internet. Kailangan natin palakasin ang inprastraktura nang sa gayun matulungan natin lumago ang mga negosyo upang dumami naman ang mga trabaho,” ani Marcos.

Ikinalungkot ni Marcos ang isang ulat noong 2015 na isinagawa ng Internet metrics provider na Ookla na nagsabing ang Pilipinas ay nasa kulelat na pwesto bilang ikalawang pinakamabagal na Internet download speed sa Asya.

“Nakakadismaya na tayo ay kulelat na naman sa ating mga kapatid sa Asya sa internet connection at speed samantalang isang napaka-importanteng aspeto ang internet sa buhay ng bawat tao sa kasalukuyan,” ani Marcos.

Ayon sa senador, kasama ang pagbabago ng pandaigdigang komersyo, ang susunod na administrasyon ay dapat magkaroon ng pag-iisip kung saan ang telecommunications, lalo na ang Internet, ay bahagi sa mahalagang inprastraktura.

Napansin ni Marcos na ang ang pagtaas ng 2.5% ng GDP ng ating bansa ay nasagabal dahil na rin sa kakulangan sa pondo ng inprastraktura.

“Ang dapat nating sundin ay isang business-directed internet infrastructure dahil karamihan ng mga negosyo ay gumagamit na ng Internet. Dito papasok ang gobyerno sa pamamaraan ng pagtitibay sa ating telecommunications nang sa gayun mas maganda ang pagpatakbo ng ating ekonomiya,” paliwanag ni Marcos.

Back to Blog