Imbestigasyon ng Senado sa pagpupuslit ng kontrabando sa bilangguan hiniling ni Sen. Marcos

Read the English version.

Hinihiling ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa Senado na imbestigahan ang patuloy na pagpupuslit ng mga armas, droga, mamahaling gamit at iba pang mga kontrabando sa mga billangguan sa bansa.

Inihain ni Marcos nitong Lunes ang Proposed Senate Resolution No. 1683 na humihiling ng imbestigasyon ng Senado, in-aid of legislation, ukol sa penitential at corrections policy, enforcement, disiplina, mga security measures at kahinaan sa sistema upang maisaayos ang mga ito.

Ayon kay Marcos ipinapakita lamang ng resulta ng mga raid o “Oplan Galugad” na isinagawa ng Bureau of Corrections na hindi natutupad ang pangunahing mandato ng kagawaran para sa “safekeeping” at “reformation” ng mga bilanggo.

“Ang mga ulat na ito ukol sa buhay sa loob ng New Bilibid Prison ay hindi lamang nakaka-shock at labag sa moralidad ng mga karaniwang Pilipino na sumusunod sa batas kundi nakakabawas ng tiwala nila sa correctional pillar ng ating criminal justice system,” ani Marcos.

Idinagdag pa ng Senador na ang muling pagkatuklas ng iba pang mga kontrabando sa loob ng NBP ay nangyari sa kabila ng nauna nang pagbubulgar ukol sa mga marangyang kubol at umano’y VIP treatment sa ilang mga bilanggo noong 2011 at 2014.

Dahil sa naisagawa ang mga ito sa kabila ng mahigpit na pagbantay sa pangunahing maximum security prison ng bansa, sinabi ni Marcos na pwede lamang itong mangyari kung may sabtawang nangyayari o tahasang kapabayaan.

“Ang mga nakaka-shock na pangyayaring ito ay nagpapatunay lamang na may malaking kamalian sa operasyon ng ating mga penitentiary system,” giit ni Marcos.

Dahil dito, sinabi ni Marcos na hindi rin natutupad ang isa pang layunin ng correctional system na siguruhing hindi na muling makakapagsagawa ng krimen ang mga bilanggo.

Bago pa naihain ang naturang resolusyon nanawagan na si Marcos na sampahan ng kaso ang sinumang opisyal o gwardya na mapapatunayang nakipag-sabwatan para makapagpuslit ng kontrabando sa mga bilangguan.

Back to Blog