Ilang political kingpin ng Mindanao, suportado rin si Bongbong Marcos

Patuloy na bumubuhos ang suporta mula sa Mindanao para sa kandidatura ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. bilang Bise Presidente.

Nitong nakaraang Sabado, dalawa pang kinikilalang mga political kingpin sa probinsya ng Agusan Del Norte ang nag-endorso ng kandidatura ni Marcos bago matapos ang limang araw na kampanya ng kanyang “Unity Caravan” sa Mindanao.

Sa harap ng mahigit 300 Barangay Chairmen, mga barangay political leaders, at mga residente ng probinsya na nagkatipon sa Butuan City, pormal na ideneklara ni dating Agusan Del Norte 1st District Rep. Jose “Joboy” Aquino II ang kanyang pagsuporta kay Marcos.

“Dito na tayo kay Bongbong Marcos!” ani Aquino na naging kaibigan ni Marcos noong magkasabay silang nagsilbi bilang mambabatas sa House of Representatives. Ang ama ni Aquino ay nagsilbi naman bilang dating gobernador ng probinsya.

Inendorso rin ni Aquino si Marcos sa kanyang mga kasamahan sa EGP (Experiencing God in the Family), isang grupong Katoliko. Dati umano ay hindi niya ginagawa ang mag-endorso ng kandidato sa grupo subalit sa kaso ni Marcos ay gagawin niya ito dahil naniniwala siya sa kanyang kakayahan at katapatan sa pagsisilbi sa bayan.

Inendorso rin ni Agusan Del Norte Rep. Erlpe John Amante, anak ni dating Cong. Edelmiro Amante, si Marcos.Kasama ni Amante sa pagsuporta kay Marcos ang buong linya ng kandidato ng lokal na partido nilang Kusog Agusanon para sa provincial government.

“Kung hindi sa ama niya ay hindi magiging Assemblyman si Edel Amante,” aniya sa harap ng may 160 mga Barangay Chairmen at lokal na lider sa kanyang distrito na nagkatipon sa kanyan bahay sa Cabadbaran City.

Lubos ang pasasalamat ni Marcos sa suportang kanyang natanggap at nangako na ipagpapatuloy ang kanyang ginagawa para maisulong ang interes ng mga local government units.

“Ako ang magiging boses ng mga local government,” ani Marcos. Iniulat din ni Marcos ang kanyang mga ginawa sa Senado para sa kapakanan ng mga LGU, kabilang na ang pagdagdag sa IRA (Internal Revenue Allotment) para sa mga LGU, at ang kanyang Barangay Retirement Benefits Bill na naaprubahan na sa Senado.

Maliban dito nanawagan si Marcos sa mga lider ng Agusan Del Norte na samahan siya sa kanyang panawagan para sa pagkakaisa ng lahat ng Pilipino. “Sa dami ng problema ng bansa, importanteng magkaisa tayong lahat na mga Pilipino para masolusyunan ang lahat ng mga ito at makamit natin ang mas magandang bukas para sa lahat,” ani Marcos.

Bago siya nagtungo sa Agusan Del Norte, nakamit din ni Marcos ang suporta ni Misamis Oriental Gov. Yevgeny “Bambi” Emano, Cagayan De oro 1st District Rep. Rolando “Klarex” Uy, at ng pamilya ng Dimaporo ng Lanao del Norte.

Nasa Eastern Visayas (Region 8) ngayon si Marcos kung saan nagtagumpay syang pag-isahin ang buong rehiyon para sa kanyang kandidatura.

Back to Blog