Ihatid sa magsasakang biktima ni Lando ang murang pautang

Read the English version here.

Kinalampag ngayon ni Sen. Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang Department of Agriculture at mga ahensya ng pamahalaan na may murang pautang sa mga magsasaka na ihatid sa mga biktima ng bagyong Lando ang ganitong serbisyo upang maiahon sila sa tuluyang pagkalubog sa kumunoy ng utang at kahirapan.

“Nakakaawa talaga ang ating mga magsasaka, nalubog na sa baha ang kanilang mga pananim patuloy pa rin silang nalulubog sa utang sa mga usurero,” ani Marcos.

Bagamat maraming programa sa murang pautang sa mga magsasaka marami ang hindi nabibiyayaan nito dahil na rin umano sa hindi alam ng mga karaniwang magsasaka ang proseso, dami ng mga requirements, o kawalan ng kolateral na kailangan bago makautang.

Bukod dito, sinabi ng senador na inuuna pa sa ngayon ng mga biktima ng bagyo ang pagsasaayos ng kanilang nasirang mga bahay, pagkain at ang kaligtasan ng kanilang pamilya.

“Kaya dapat ang gobyerno na ang gumawa ng paraan para madala sa mga napinsalang magsasaka ang ayudang pautang at kung pwede i-relax yung mga requirements para naman madaling makuha ng ating magsasaka ang bagong puhuhan at makapagsimula na silang muli,” ayon sa Senador.

Nauna rito, tinukoy ng senador ang ilang programa na may murang pautang sa mga magsasaka kabilang ang “Sikap Saka” ng DA at ang Agro-Industry Modernization Credit and Financing Program (AMCFP), Agri-Microfinance Program at Cooperative Banks Agri-Lending Program na lahat ay nasa ilalim ng Agricultural Credit Policy Council.

Back to Blog