Ibuhos ang nakalaang pondo sa agrikultura

Read the English version.

Nanawagan ngayon si Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa gobyerno na ibuhos ang nakalaang pondo sa naghihingalong sektor ng agrikultura ng bansa upang palakasin ito at masiguro ang katatagan ng food security.

Base sa ulat ng National Statistics Coordination Board, bumagsak ang agrikultura ng 0.1 porsyento sa third quarter ng taon dahil na rin sa mahinang produksyon ng palay, mais at tubo, na bumagsak ng 15.7 porsyento, 1.7 porsyento, at 41.5 porsyento.

“Kung hindi tayo tayo kikilos agad para mabago ang nakaka-alarmang sitwasyon na ito baka dumating ang panahon na salat na tayo sa pagkain ay sobra-sobra pa ang presyo nito,” ani Marcos.

“Ang nakakalungkot naglaan naman ng pondo ang Kongreso para sa paglago ng ating agrikultura pero hindi naman ginagamit ng husto ng gobyerno para matulungan ang mga kawawa nating magsasaka,” dagdag pa niya.

“Ayon sa records ng Department of Budget and Management umaabot lamang sa 62 porsyento ng 2015 budget ng Department of Agriculture ang nagamit ng ahensya hanggang nitong Setyembre 30. Hindi pa kasama sa budget ng DA ang pondo para sa mga attached agencies at corporations nito tulad ng National Irrigation Administration, National Food Authority, Philippine Coconut Authority at Fertilizer and Pesticide Authority.”

“Isa sa dapat unahin ng gobyerno ang pagsasaayos at pagpapalawak ng ating irigasyon, na importante para maging self-sufficient na tayo sa bigas,” ani Marcos.

“Bagama’t tinatayang mahigit na 3 milyong ektarya ng lupa sa Pilpinas ang pwedeng lagyan ng irigasyon, mahigit pa rin sa 1.3 milyong ektarya ang sa ngayon ay walang patubig,” ayon sa Senador.

“Kasama na rin umano sa dapat gawin ang pagkakaroon ng murang pautang sa mga magsasaka, maayos na crop insurance, dagdag na imprastruktura katulad ng mga post-harvest facilities at farm-to-market roads, at saka tulong mula sa mga ekspertong agriculturist ng pamahalaan.”

Bukod sa tulong sa mga magsasaka upang makabangon kung may bagyo o baha, dapat din umanong ihanda sila sa epekto sa kanila ng ASEAN integration.

“Karamihan sa mga mahihirap nating mga kababayan ay nasa sektor ng agrikultura. Kung talagang tutulungan natin sila hindi lamang ito ayuda sa mahihirap kundi pagtatayo na rin ng matibay na pundasyon para sa paglago ng ating ekonomiya,” giit ni Marcos.

Back to Blog