Ibigay sa LGUs nang diretso ang share sa mining tax

Iginiit ni Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang kanyang pagsuporta sa panawagan ng maraming local government units (LGUs) sa bansa para diretsong ibigay sa kanila ng mga mining companies and kanilang kaparte sa mga buwis ukol sa pagkuha sa mga deposito ng mineral sa kanilang lugar.

“Matagal na naming sinasabi yan, ayaw gawin ng national government. Ang sinasabi natin direct remittance dahil ang sistema ire-remit muna sa national government, maghihintay ng tatlong taon bago ibibigay sa local government,” ani Marcos.

Sinabi ni Marcos na sa kanilang pagdinig sa panukalang batas para sa direct remittance malinaw na payag ang mga mining companies pero mahigpit ang pagtutol ng national government.

“Sa aking palagay ito naman talaga ang dapat gawin. Hindi ko maintindihan kung bakit ayaw ng national government. Payag na nga ang lahat maliban sa national government,” ani Marcos.

May isinampang panukala si Marcos sa Senado, o Senate Bill No. 133, para sa automatic appropriation at release ng 40 porsyentong kaparte ng mga LGU sa national wealth taxes kaugnay sa kanyang adbokasiya na isulong ang kapakanan ng mga LGU sa bansa.

Samantala, dapat umanong tutukan ng gobyerno ang mga mining companies para matiyak na sinusunod nila ng wasto ang lahat ng batas ukol sa pagmimina, partikular ang mga regulasyon para maprotektahan ang kalikasan, ayon kay Marcos.

Sinasabing ayon sa pagtaya ng mga eksperto, ang Pilipinas ang ika-lima sa mundo sa yaman sa mga mineral. Kung susumahin umano sa bawat ektarya ng lupa ang Pilipinas ang ika-3 sa deposito ng ginto, ika apat sa tanso, pang-lima sa nickel, at pang-anim sa mundo sa chromite.

Dahil dito ilang eksperto rin ang nagsasabing pwedeng maging isa sa magbigay ng pinakamalaking kontribusyon sa paglago ng ekonomiya ng bansa ang sektor ng pagmimina. Tama naman ito sa palagay ni Marcos pero iginiit niya na dapat mahigpit ang regulasyon at pag-monitor sa mining industry.

“Kapag ang mga mining companies ay hindi sumusunod sa environmentally-friendly mining practices maliwanag na malaking pinsala ang nangyayari, maraming areas ang nasisira at maraming naapektuhan na hanapbuhay ng tao,” babala ni Marcos. .

Ayon sa senador, dapat atasan sa ilalim ng batas ang mga mining companies na gumamit ng mga makabagong teknolohiya para maiwasan ang mga trahedyang sisira sa kalikasan at maglalagay sa panganib sa buhay ng ating mga kababayan.

“Pero kailangan ang pamahalaan ay nakabantay, nakatutok, na tiyakin na walang cutting corners ang mga mining companies at lahat ng mga safeguards na nakalagay sa batas ay nasusundan,” giit ni Marcos

Back to Blog