Ibigay in advance ang buong bayad sa poll duty ng teachers- Marcos

Hinikayat ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang Commission on Elections (Comelec) na bayaran ng buo in advance ang poll duty ng mga teacher sa darating na May elections.

Ito ay kasunod ng napaulat na kahilingan ng mga guro na itaas ang bayad sa kanilang poll duty sa P6,000 mula sa P4,000 na maaring hugutin sa savings ng Comelec.

“Dapat advance ang bayad ng mga teacher. Kung nais ng Comelec na fair ang halalan, fair din dapat sila sa mga guro sa pamamagitan ng pagbabayad sa kanila ng buo in advance,” ayon kay Marcos.

Napaulat din na nag-anunsyo ang Department of Budget and Management ng P4.1 bilyon na dagdag pondo sa Comelec bilang ayuda sa preparasyon ng synchronized national, local at Autonomous Region in Muslim Mindanao elections.

Sa mga nagdaang eleksyon, umalma ang maraming guro dahil sa delay umano ang bayad sa kanila. Nagreklamo din ang mga ito dahil sa installment din ang kanilang bayad na kadalasan eh matagal nang tapos ang eleksyon pero hindi pa rin naibibigay sa kanila ang kabuuan.

Ayon sa senador, wala siyang nakikitang dahilan upang maulit muli ang mapait na karanasan ng mga guro dahil may sapat naman umanong pondo ngayon ang Comelec at maaari nitong i-release agad ang bayad sa mga teacher.

“Kapag eleksyon, nakatuon ang atensyon ng lahat sa mga kandidato at nakakalimutan ‘yung mga guro samantalang sila ang nagtatrabaho. Sa darating na halalan, dapat tingnan naman ang kanilang kapakanan. Hindi naman siguro kalabisan na bayaran sila ng in advance at ‘wag naman din sanang hulugan,” ayon kay Marcos.

Back to Blog