Huwag hayaang ma-pulitika ang pagtulong sa mga magsasakang apektado ng El Nino

Hindi dapat hayaan ng Department of Agriculture na ma-politika ang nakalatag na plano para tulungan ang mga magsasakang sa mga lugar na sinalasa ng El Nino at dapat ibuhos na lahat ng mga tulong na ito ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Ayon kay Marcos dapat gamitin ng maayos ng DA ang nakalaang P2.1 bilyon na itinalaga para sa pagtulong sa mga magsasakang apektado ng tagtuyot na dulot ng El Nino at palakasin ang produksyon ng agrikultura sa unang bahagi ng 2016.

“Sa pagsisimula ng kampanya dapat siguruhin ng DA na ang mga programa para sa pagtulong sa naapektuhan ng El Nino ay maibibigay sa talagang nangangailangan at hindi dadalhin sa ibang lugar dahil lamang sa bulong ng ilang pulitiko,” ani Marcos.

Ayon sa PAGASA (Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration) aabot sa 40 porsyento ng bansa o mga 32 probinsya ang sasalo sa matinding epekto ng El Nino bago bumalik sa normal ang kondisyon ng panahon na inaasahan sa kalagitnaan ng 2016.

“Maraming mga magsasaka at kanilang pamilya na nasa lugar na tinamaan ng El Nino ang lalo pang maghihirap kung hindi matutupad ang pangakong ayuda ng DA,” ayon kay Marcos. Sinabi pa ng senador na 70 porsyento ng mahihirap sa bansa ay nasa sektor ng agrikultura.

Dahil sa El Nino at ilang bagyo bumagsak ang produksyon ng palay ng 3.78 porsyento at ang mais ng 6.04 porsyento sa kabuuan ng 2015.

Ayon sa DA may nakalatag na silang plano para maibsan ang epekto ng El Nino kabilang na ang koordinasyon sa National Irrigation Authority para sa wastong paggamit ng tubig sa mga lugar na may irigasyon.

Para naman sa mga lugar na umaasa lamang sa ulan sinabi ng DA na nagpapagawa sila ng mga small-scale irrigation project at mga istruktura para sa pag-iimbak ng tubig-ulan.

Maliban dito patuloy umanong nagsasagawa ang DA ng pamimigay ng drought-resistant na binhi ng palay at mais at nagpapayo sa mga magsasaka ukol maayos na pagtatanim ng mga ito.

“Mukha namang maayos ang plano pero sa huli sa implementasyon magkakatalo. Ang mahalaga ibigay natin ang tulong sa talagang nangangailangan at sa mga lugar kung saan dapat bigyan ng ayuda,” giit ni Marcos.

Back to Blog