Hoarders Ipakulong

Sa mga magtatago ng bigas, asukal, mantika at ibang pang bilihin

Kasuhan at ipakulong ang kailangang gawin sa mga tiwaling negosyante na magtatago o magi-imbak ng mga pangunahing bilihin para makapagsamantala sa mga kaawa-awang biktima ng bagyong Ondoy.

Ito ang galit na sinabi ngayon ni Rep. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ng Ilocos Norte kaugnay sa mga negosyanteng magtatago ng kanilang paninda para lalung tumaas ang presyo nito at magkamal ng malaking tubo.

“Kung maaaring ibitin natin ng patiwarik ang mga tiwaling negosyanteng ito! Mga walang kaluluwa. Tubo ang mahalaga sa kanila! Pati biktima ng bagyo hindi patatawarin,” galit na pahayag ni Marcos.

Sinabi ni Marcos na kailangang kumilos ang Department of Trade and Industry (DTI), National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Agriculture (DA) para hanapin ang mga negosyante at pinagtataguan ng kanilang paninda partikular na ang bigas, asukal at mantika.

“Ipamigay natin nang libre ang makukumpiskang paninda sa mga hoarders na ito! Kailangang ang makinabang ng produkto ay mga biktima ng bagyong Ondoy,” pahayag pa ni Marcos.

Sinabi pa ni Marcos na layunin ng hoarding o pagtatago ng produkto ay magkaroon ng artificial shortage ng mga bilihin sa merkado para madaling makapagtaas ng presyo ang mga sakim na negosyante.

“Sa panahon ng kalamidad at sakuna, madalas na ginagawa ang hoarding ng mga negosyanteng salbahe para lalung kumita sila. Dapat mahinto ito, kasuhan at ipakulong!” dagdag pa ni Marcos.

Back to Blog