Hiling ni Bongbong Marcos: Cash gift sa lahat ng senior citizens

Itinulak ni vice presidential candidate Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos ngayon ang pagbibigay ng cash gift sa lahat ng senior citizens sa buong bansa upang pagpapakilala sa kanilang mga importanteng ambag sa bansa.

Sinabi ni Marcos na ayon sa kasalukuyang sistema, ang mga senior citizen lamang sa mayayamang siyudad ang nabibigyan ng cash gift. Nagdudulot ito ng diskriminasyon sa ibang senior citizen sa ibang lugar na hindi nabibigyan ng cash gift.

“Kailangan nating gawing pantay-pantay ang batas upang walang lumamang sa iba. Ang cash gift ay pagkilala sa kanilang mga naging kontribusyon sa komunidad at society at ito ay dapat na ibigay sa lahat ng senior citizen sa buong bansa,” ani Marcos.

Ang mga siyudad sa Metro Manila ay nagbibigay ng cash gift sa kanilang senior citizens mula P1000 hanggang P4,000 kada taon.

Ang panukala nyang cash gift ay dagdag pa sa mga benepisyo na nakapaloob sa Expanded Senior Citizens’ Act of 2010 (RA 9994) na kasama ang 20% discount sa mga pinamili, pag-exempt sa value-added tax (VAT), income tax exemption at mandatory PhilHealth coverage.

Pinuri din ng senador ang naging desisyon ng Department of Justice na kumakatig sa desisyon na maaring gamitin ng mga senior citizens ang kahit anong government-issued na ID upang makuha ang mga benepisyo sa RA 9994.

Napakarami nang problema, ani Marcos, dahil sa pagtanggi nang ibang kompanya na magbigay ng discount kung government-issued ID and ipinapakita dahil iba-iba ang mga probisyon ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 9994.

Ayon sa Article 5, Rule III ng IRR, upang makakuha ng benepisyo ang senior citizen, maari nyang ipakita ang kahit na anong government issued ID. Subalit sa Article 6 ng Rule IV ng parehong IRR, sinasabi nito na ang senior citizen ay maari lamang gumamit ng ID galing sa Office of the Senior Citizen Affairs (OSCA) upang mabigyan ng discount.

“Dahit dito, maraming establishment ang ayaw magbigay ng discount kung wala OSCA ID. Natutuwa naman ako na nabigyan na ng linaw ito at maari naman talagang gamitin ang kahit na anong government-issued ID,” ani Marcos.

Kailangan aniya ang amyendahan ang IRR upang iwasan na ang pagkalito. “Meron pagkakamali sa IRR kaya dapat itong amyendahan sa lalong madaling panahon para hindi na magkaroon ng problema ang ating mga senior citizens,” ani Marcos.

Hinimok din ni Marcos ang lahat ng senior citizens na magreport sa OSCA ang kahit na anong kumpanya na hindi nagbibigay sa kanila ng benepisyo. “Nagbibigay ang batas ng kaparusahan sa sino mang lumalabag dito kaya dapat ipaglaban ng ating senior citizens ang kanilang karapatan. Ngunit ang mas importante ay dapat na protektahan ng gobyerno ang kanilang karapatan upang maibigay sa kanila ang mga benepisyo na dapat na ibigay sa kanila,” ani Marcos.

Back to Blog