Hataw – Labis na buwis ‘di makatuwiran – Enrile, Marcos

By Hataw

HINDI makatuwiran ang panukalang batas na ang punto ay buwisan nang sobrang taas ang sigarilyo at alak.

Ito ang pahayag ng ilang mambabatas sa isinasagawang pagdinig sa Senado kaugnay sa pagrepaso sa excise tax system. Kasabay nito ay binatikos din ng ilang Senador ang panukala dahil hindi ito magiging patas lalo na sa mga umaasa sa dalawang industriya para sa kanilang ikabubuhay.

Sa pagdinig ng Senado kaugnay ng pagrepaso sa “excise tax system,” sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile na hindi nila susuportahan ang bersyon ngayon ng House Bill 5727, dahil may industriyang pinapaboran ito.

“The burden is on the tobacco industry as against the others that are importing some of their raw material, ‘e papano naman ‘yun? Kawawa naman ‘yung aming tobacco farmers. During summer time, that’s their source of income. Nagtatanim sila ng tobacco. Tobacco is their cash crop.” sabi ni Enrile.

Ang mga magsasaka ng tabako ay laging nakabantay sa Senado tuwing hearing ng Senate committee on ways and means. Bukas ay kasama muli nila ang mga manggagawa para ipaabot sa mga Senador ang kanilang apela na protektahan ang kanilang kabuhayan.

Ayon kay Enrile, hindi maaaring may sector na isakripisyo sa proseso ng pag-apruba ng bagong excise tax measure para sa kagustuhan ng gobyerno na madagdagan ang koleksiyon ng buwis.

Sa ilalim ng panukalang batas, tinatayang P27 bilyon ang kukunin na dagdag buwis sa sigarilyo habang P4 na bilyon lang ang kukunin sa alak para mabuo ang P31 bilyon na target na dagdag kita ng gobyerno mula sa pagrepaso ng “excise tax.”

Ayon kay Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, malinaw na ang HB 5727 ay pabor sa alak, bagay na dapat mabago para masiguro na walang mawawalan ng trabaho sa industriya ng tabako na tatamaan nang husto sa panukalang ito.

“Kaya kailangang suriin at pag-aralan talaga ang magiging epekto kung 10 percent ang taas ng tax rate or 20 percent, we have to crunch the numbers para malaman kung ano ba talaga ang epekto at kung ang epekto ay mawawalan ng trabaho ang mga tao sa tobacco industry, anong gagawin natin sa mawawalan ng trabaho,” tanong ni Marcos.

Aniya, “This industry supports three million workers na umaasa or nagdedepende sa tobacco para sa kanilang hanapbuhay. Hindi basta dapat pabayaan.”

Nagbabala rin ang dalawang senador na ang pagpapatupad ng sobrang mahal na buwis sa sigarilyo ay magsisilbing mitsa para muling maglipana ang mga smuggled na sigarilyo sa merkado. Sa laki kasi ng dagdag buwis, siguradong tataas ang presyo ng legal na sigarilyo kaya mapipilitan ang mga nagsisigarilyo na maghanap ng mas murang produkto. Lalabas na mas mura ang smuggled o peke dahil hindi sila nagbabayad ng buwis.

Siniguro naman ni Senador Ralph Recto na mababago ang mga probisyon sa HB 5727 bago ito makalusot sa Senado para masiguro na ang batas na maipapatupad ay patas sa lahat.

Back to Blog