Gobyerno bigong lutasin ang housing problem, ayon kay Sen. Marcos

Read the English version.

Binuska ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang gobyerno dahil bigo ito na lutasin ang problema sa pabahay sa bansa.

Binigyan ni Marcos ng bagsak na grado ang walang ningning na performance ng pamahalaan sa larangan ng housing program sa magkahiwalay na dayalogo sa dalawang bayan ng Bulacan. Ang sa San Jose ay dinaluhan ng mga barangay officials at ang sa Norzagaray na dinaluhan naman ng iba’t-ibang sektor, noong Huwebes ay nagbigay ng mga “thumbs up” kay Marcos bilang susunod na bise presidente.

Ikinalungkot ni Marcos ang katotohanan na sa kasalukuyan ay mayroong 5.5 milyon na kakulangang housing units na isinisisi nito sa hindi sapat na badyet na inilalaan ng gobyerno sa housing program.

“Ang problema sa housing ay simpleng-simple lang, hindi pinopondohan. Walang pondong inilalagay para magpatayo ng bahay at ang kakulangan ngayon ng bahay sa buong Pilipinas ay 5.5 million units,” pahayag nito.

Sinabi pa ni Marcos na ang isa pang sablay ng gobyerno sa programang pabahay ay ang pagkukulang nito na magbigay ng mga batayang serbisyo sa mga relocation sites.

Iginiit nito na ang kumpletong housing program ay hindi lamang pagtatayo ng mga housing unit kundi ang paglalagay din ng mga serbisyo tulad ng kuryente at tubig, paaralan, palengke, access sa transportasyon at trabaho na bigong ilagay ng pamahalaan sa mga relokasyon.

Bagama’t nauna nang inihayag ni Marcos ang kanyang naisin na hawakan ang Department of Labor and Employment o ang Department of Transportation and Communications upang ayusin ang mga prbolema ng mga ahensiyang ito kapag siya ay Bise Presidente na, hindi umano niya tatanggihan hawakan ang ahensiyang hinggil sa pabahay kung ito ang ibibigay sa kanya ng susunod na Presidente.

“Kadalasan kapag ang isang Vice President ay binibigyan ng trabaho ng kanyang Pangulo, ang ibinibigay ay yung housing. Kaya’t kung sakali ganun ang mangyari po sa akin, asahan po ninyo na itong pag-iisip na ang housing ay hindi lamang bahay kung hindi lahat ng serbisyo na kinakailangan ng isang pamilya upang mabuhay ng disente ay ang aking ibabalik kapag nagkaroon ng relocation,” ani Marcos.

Back to Blog