Gastos at pagod para sa pagdaraos ng APEC tila sulit naman

Read the English version here.

Sinabi ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tila sulit naman ang gastos at pagod sa pagdaraos ng Asia Pacific Economic Cooperation summit sa bansa.

“Kung ikaw ang host ng napaka-importanteng international conference katulad ng APEC na idinaos dito sa atin, dapat masigurado mo na maayos ang lahat at isa na dito ang security preparations. Kaya naman nagagalak ako na maayos itong nagawa at well-organized,” ani Marcos.

“Hindi umano matatawag na ‘overkill’ ang anumang preparasyon para sa kaligtasan ng 21 Heads of State na dumalo sa leaders meeting kabilang na dito ang mga pinaka powerful na mga Heads of State sa buong mundo.”

“Dapat nasigurado natin na walang masamang nangyayari sa kanila. Isipin nyo na lang kung may mangyari habang nandito sila kung papano tayo mapapahiya? Kahit gaano kalaking pera walang magagawa para mabalik ang reputasyon natin kung me mangyaring ganun,” ani Marcos.

Idinagdag pa ng Senador na hindi naman dapat binibira ang ginagawa ng gobyerno para ipagmalaki ang Pilipinas, lalo na sa panahon na nakatuon ang mata ng mundo sa ating bansa.

Kabilang na sa mga ibinabato sa gobyerno ay ang umano’y P10 bilyon na ginastos para sa pagdaraos ng APEC dito sa bansa.

“Talaga namang malaking halaga ang P10 bilyon at bubusisiin natin kung saan ito napunta. Pero, kung may nakuha naman tayong magagandang trade agreements sa maraming kalahok na bansa, masasabi nating bawing-bawi yan,” ani Marcos.

Back to Blog