DZMM – Bongbong sa PNoy admin, PNP: Ipaliwanag ang chain of command sa Mamasapano optn

By Bianca Antalan | DZMM.com.ph

gmanewsonline_logo

Iginiit ni Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na dapat magpaliwanag ang administrasyon kasama ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) kaugnay ng chain of command sa ikinasang operasyon sa Mamasapano.

Sa panayam ng DZMM, sinabi ni Marcos na kailangang magsagawa ng confidence building measures ang pamahalaan at Moro Islamic Liberation Front (MILF) dahil nawala ang tiwala sa magkabilang panig, at maging anya ang taumbayan, nawalan ng kumpiyansa sa usapang pangkapayapaan.

Ang dapat anyang gawin ng pamahalaan, “Sa panig ng pulis at saka sa gobyerno, kailangan maipaliwanag nang mabuti kung anong nangyari sa chain of command dahil ang MILF din nawawalan ng kumpiyansa kasi sino ang kausap nila? Ano ba ‘yung proseso doon sa gobyerno?”

Masyado pang malabo para sa senador kung sino ang nagbigay ng kautusang ituloy ang operasyon sa Mamasapano at kung bakit hindi ito ipinaalam sa tumatayong pinuno ng PNP at sa kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Una nang sinabi ni dating Pangulong Fidel V. Ramos na binali ni Pangulong Noynoy Aquino ang chain of command sa operasyon sa Mamasapano.

Sa panig naman ng MILF, kinausap na ni Marcos si MILF Peace Panel Chairperson Mohagher Iqbal para himukin ang liderato nito na ibalik sa gobyerno ang mga armas at iba pang gamit na tinangay mula sa PNP-Special Action Force (SAF).

Dapat din anyang tumulong ito sa pamahalaan sa paghuli kay Usman.

Ang dapat ding bigyang-linaw ng MILF, “Kailangan nilang ipaliwanag nang mabuti kung ano ba talaga ang relasyon ng MILF at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) dahil sinasabi nilang hindi sila magkasama… pero nung laban e sabay silang lumalaban sa pulis.”

Pinasuspinde na ni Marcos ang mga pagdinig kaugnay ng pagpasa sa Bangsamoro Basic Law (BBL) pero tuloy anya ang pagdinig ng Senado sa imbestigasyon sa Mamasapano incident sa Lunes at Martes.

Ang malinaw lang para sa senador ngayon, “Ipinakita ng pangyayaring ito, naipakita sa ating lahat na meron pa rin tayong kailangang-kailangang gawin… kailangan pa nating pag-aralan ang proseso, pag-coordinate at lahat ‘yan.”

Dapat anyang matiyak na hindi na mauulit ang insidente.

Back to Blog