DoJ tinuligsa ni Marcos dahil sa maling trato sa pamilya ng SAF 44

Tinuligsa ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. ang umano’y di maayos na trato ng Department of Justice sa mga pamilya ng 44 na Special Action Force commandos na nasawi sa Mamasapano massacre.

Nito lamang nakaraang Martes muling nanawagan si Marcos para mabigyan ng katarungan ang SAF 44 at ang kanilang pamilya sa pamamagitan ng isang privilege speech.

Ayon kay Marcos kabilang sa mga nagbunsod sa kanyang panawagan ay ang e-mail sa kanyang opisina ng kapamilya ng isa sa SAF 44 na humihingi ng ayuda para mabigyan ng katarungan ang nasawing pulis.

“Mahigit isang buwan na mula ng sumulat ako sa DoJ para iendorso ang naturang e-mail para sa karampatang aksyon pero hanggang ngayon ay wala ni pabalat-bungang tugon para sabihing bibigyan nila ng atensyon ang bagay na ito,” ani Marcos.

Ang liham, na may petsang December 15, 2015 at pirmado ni Marcos ay naka-address kay dating DoJ Secretary Alfredo Caguioa na kamakailan lamang ay nahirang na Associate Justice ng Korte Suprema.

Nanawagan din si Marcos sa kapalit ni Caguioa na si undersecretary Emmanuel Caparas para tutukan ang kaso ng Mamasapano massacre dahil mahigit isang taon na matapos ang insidente pero wala pang kasong naisasampa sa korte kaugnay dito.

Sa unang e-mail na may petsang December 8, 2015 na ipinadala sa opisina ng senador, inireklamo ng kapamilya ng isa sa SAF 44 ang ilang beses na kanselasyon ng nakatakdang preliminary investigation sa kaso sa Mamasapano massacre, partikular noong November 11 at 27.

Ayon sa nagpadala ng e-mail kumpleto naman ang mga kinatawan ng 35 miyembro ng SAF 55th Seaborne Company at ilang abogado ng mga akusado noong November 27 pero nagulat sila ng sabihang muli na namang kanselado ang preliminary investigation.

“Karamihan sa pamilya ng nasawing SAF 44 ay mula sa Visayas at Mindanao, gumagastos sila sa pamasahe, bayad sa hotel na kanilang tutuluyan at pagod na magbyahe mula Visayas at Mindanao patungong Luzon at ang ibubungad na sagot ay kanselado ang hearing,” ayon sa nagreklamo.

Sa kasunod na e-mail na may petsang January 18, 2016, sinabi ng kapamilya ng SAF 44 na muli na naman silang sinabihan na kanselado rin ang hearing noong nakaraang January 14 para mabigyan ng ng resolusyon ang kaso.

“Kung ganito ang trato natin sa mga nagbigay ng kanilang buhay para ipagtanggol ang ating bansa, paano na lamang ang mga ordinaryong mamamayan? Paano na ang ating mga mahal sa buhay?” ani Marcos sa kanyang privilege speech.

Iginiit ni Marcos na walang salita o aksyon ang pwedeng makapag-lunas sa pait na nadarama ng pamilya ng SAF 44.

“Katarungan lamang ang pwedeng magbigay nito,” ayon kay Marcos.

Back to Blog