DoJ dapat mag-ulat sa Senado kung bakit wala pang kaso laban sa mga suspek sa Mamasapano massacre

Dapat mag-ulat sa Senado ang Department of Justice para maipaliwanag kung bakit hanggang ngayon ay wala pang naisasampang kaso sa korte laban sa mga suspek sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Special Action force sa Mamasapano ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

“May responsibilidad ang DoJ sa pamilya ng mga nasawi, at sa lahat ng Pilipino, para ipaliwanag kung bakit isang taon na ang nakaraaan ay wala pa ring kasong naisasampa sa korte,” ani Marcos.

“Kahit na nga hindi sila imbitahan sa pagbubukas ng imbestigasyon ng Senado wala namang makapipigil sa kanila na mag-ulat sa amin kung ano na ang nangyayari sa kaso para malaman nating lahat at maunawaan kung anong nagiging problema,” dagdag pa niya.

Itinanggi ni bagong DoJ Acting Secretary Emmanuel Caparas na inuupuan nila ang kaso at nangako na malapit nang ilabas ang resolution para sa kaso. Napaulat na noon pang January 14, 2016 pormal na tinapos ng DoJ ang preliminary investigation sa naturang kaso.

Kasama na ring dapat magpaliwanag, ayon kay Marcos, sina dating DoJ Secretary Leila De Lima at ang National Bureau of Investigation para makatulong malaman kung bakit tila napakabagal ng pag-usad ng kaso.

Si De Lima ang nakaupong DoJ Secretary noong mangyari ang Mamasapano massacre at magsimula ang imbestigasyon dito. Siya rin ang nagsabi na may 90 indibidwal ang kakasuhan kaugnay sa Mamasapano massacre.

Matatandaang sa isang liham na may petsang January 20, 2016 kay Senator Grace Poe, chairman ng Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs, hiniling ni Marcos na imbitahan sina De Lima at NBI Director Atty. Virgilio Mendez para tumestigo sa muling pagdinig ng Senado sa Mamasapano massacre.

Subalit sinabi ni Poe na dahil si Senate Minority Leader, Sen. Juan Ponce Enrile ang humiling ng pagbubukas ng imbestigasyon, siya ang binigyan ng komite ng karapatang mamili kung sino ang mga dapat imbitahan sa pagdinig.

Ano man ang mangyari sa imbestigasyon ng Senado nangako si Marcos na hindi siya titigil hanggang hindi nabibigyan ng katarungan ang pamilya ng SAF 44.

“Pwedeng makabawas ng sakit na nadarama ng pamilya ng SAF 44 ang mga medalyang ibinigay sa kanila pero tanging ang katarungan lamang ang makapagbibigay sa kanila ng kapayapaan para maiwan ang malagim na kahapon at magpatuloy na sa kani-kanilang buhay,” ani Marcos.

Back to Blog