De Lima, NBI chief imbitahan sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa Mamasapano massacre

Read the English version.

Hiniling ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa Senate Committee on Public Order and Illegal Drugs na imbitahan si dating Justice Secretary Leila De Lima sa muling pagbubukas ng imbestigasyon ng Senado sa Mamasapano massacre.

Sa isang sulat na may petsang January 20, 2015 kay Senator Grace Poe, chairman ng naturang komite, hiniling din ni Marcos na imbitahan si Atty. Virgilio Mendez, ang Director ng National Bureau of Investigation, sa naturang pagdinig na gaganapin sa January 27.

“Importante na dumalo sila para malaman ng komite kung ano na ang status ng mga kaso kaugnay sa pagkamatay ng 44 na miyembro ng Special Action Force (SAF) ng Philippine National Police,” giit ni Marcos.

Patuloy ang panawagan ng Senador na bilisan ng DoJ ang preliminary investigation nito sa mga repondents sa Mamasapano massacre na nangyari noong January 25, 2015.

Nababahala si Marcos dahil sa kabila ng sinabi ng gobyerno na bibigyan nito ng katarungan ang pagkamatay ng SAF 44 wala pa ring kasong naisasampa sa korte halos isang taon na ang nakaraan matapos ang madugong insidente.

“Wala nang iba pang hinihiling ang pamilya ng mga SAF 44 kundi katarungan para sa kanilang mga mahal sa buhay,” muling pagdidiin ng senador.

Nauna rito sinabi rin ni Marcos na gagamitin din niya ang pagkakataon sa naturang pagdinig para alamin ang katotohanan sa mga ulat tungkol sa umano’y reklamo ng dalawang biyuda ng SAF 44 na wala pa rin silang natatanggap sa mga ipanangakong tulong ng gobyerno.

Itinanggi ng pamunuan ng PNP ang naturang alegasyon at naglabas ng detalyadong ulat kung saan nakatala ang mga ayuda na umanoy naipamigay na nila sa pamilya ng SAF 44.

Back to Blog