Dapat maipasa muna ng House ang BLBAR bago umaksyon dito ang Senado

Read the English version.

Sa kabila ng pagpupursige ng Malacañang na isulong ang pagpasa ng Basic Law for Bangsamoro Autonomous Region may isa pang constitutional issue sa procedure na pwedeng maging sabagal sa pagpasa ng batas, babala ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Noong nakaraang Martes pinulong ni Pangulong Aquino ang may 120 lider ng House of Representatives para isulong ang mabilis na pagpasa ng Bangsamoro Law.

Sa kabila nito sinabi ni Marcos na sa nakaraang pagtatanong ni Sen. Juan Ponce Enrile sinabi ng huli na kung isang bill of local application ang BLBAR dapat munang maipasa ng House ang kanilang bersyon bago ito matalakay ng Senado, ayon sa probisyon ng Constitution.

“Gusto naming bilisan ang pagtalakay sa BLBAR pero dapat din naming pakinggan ang pananaw ng isang legal expert tulad ni Sen. Enrile na dapat sundan namin ang itinakdang proseso dahil baka sa huli ay gamitin ang isyu para kwestiyunin ang legalidad ng batas na ito,”ani Marcos, Chairman ng Senate Committee on Local Government.

Ayon sa Saligang Batas lahat ng panukalang ukol sa appropriation, revenue o tariff, pag-awtorisa na makautang ng mas malaki ang gobyerno, bills of local application at private bills ay dapat magsimula sa House of Representatives.

“Kung lumabas na bill of local application ang BLBAR dapat naming hintayin na ipasa ito ng House bago namin pagbotohan ang aming version. Kaya lang may problema ang House ngayon sa quorum kaya hindi maganda ang implikasyon nito para sa pagpasa ng BLBAR,” ani Marcos.

Idinagdag pa ng Senador na bagama’t nagkasundo umano ang mga lider ng Kongreso sa naturang miting sa Malacanang na itakda ang deadline sa December 16 para sa pagpasa ng BLBAR inamin ni House Speaker Feliciano Belmonte na malabong matapos ng House ang interpellation bago sila mag-adjourn para sa Christmas break.

Ganunpaman, sinabi ni Marcos na nagkaroon ng kasunduan sa Senado na ituloy nila ang talakayan sa BLBAR at saka na lamang desisyunan ang isyu kung bill of application nga ito kapag handa na silang pagbotohan ang panukala.

“Gagawin namin ang lahat para matapos ang aming talakayan sa BLBAR sa lalong madaling panahon. Pero anuman ang kahinatnan ng BLBAR hindi natin dapat tigilan ang ating paghahanap ng solusyon para magkaroon ng kapayapaan sa Muslim Mindanao,” giit ni Marcos.

Back to Blog