Dagdagan pa ang mga RHU para alagaan ang kalusugan ng mga mamamayan

Dapat umanong paramihin ng susunod na administrasyon ang mga rural health unit at mga barangay health center para matugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng ating mga kababayan, lalo na ng mga mahihirap, ukol sa kanilang kalusugan, ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Ayon kay Marcos na tumatakbo bilang bise-presidente, karanasan niya bilang gobernardor ng Ilocos Norte ng tatlong termino na karamihan sa mga pumupunta sa ospital ay karaniwang malala na ang sakit kaya tuloy mataas ang mortality rate sa bansa.

“So ang talagang kailangan natin paramihin natin yung RHU at mga barangay health center. Imbes na antayin yung mga may sakit, o nangangailangan ng tulong na makapunta sa ospital dapat maglagay tayo ng mga rural health unit, kahit na sa mga malalayong lugar,” ani Marcos.

Ayon sa kanya dapat may permanenteng nurse at midwife ang mga RHU at kahit dalawang araw sa isang linggo ay my doctor.

Dahil madalas na karaniwang mga sakit lamang ang idinudulog ng ating mga kababayan kaya na umano ng mga RHU at barangay health center na tugunan ang mga ito, ayon kay Marcos.

“Sa aking palagay para paratingin natin ang serbisyo ng kalusugan sa ating mga kababayan padamihin natin ang RHU,” ani Marcos.

Samantala sinabi rin ng senador na habang kokonti pa lamang ang mga naturang RHU at barangay health center na may kaukulang mga medical personnel pwede ring magsagawa ng mga medical at dental mission ang gobyerno para maglingkod sa mga tao lalo na sa malalayong lugar.

Sa mga ganitong gawain sinabi ni Marcos na dapat na ring magsama ng mga ahensya ng gobyerno tulad ng LTO (Land Transportation Office), Bureau of Internal Revenue, Department of Social Welfare and Development, para minsanan ang pagdadala ng serbisyo.

“Sa ganitong paraan tayo ang lumalapit. Dinadala natin ang serbisyo ng gobyerno sa tao hindi natin inaantay na sila pa ang lalapit,” ani Marcos.

Ayon kay Marcos nagdesisyon siyang tumakbo bilang bise presidente kaysa sa re-election sa Senado dahil sa paniwala niya ay magagamit niya ang kanyang malawak na karanasan sa executive department para makatulong magdala ng pangarap na progresibong bukas para sa bawat Pilipino.

Back to Blog