Dagdag na operatiba ng PDEA kailangan bilang unang hakbang laban sa iligal na droga

Read the English version here.

Sinabi ngayon ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na kailangang dagdagan ang mga field operatives ng Philippine Drug Enforcement Agency para mapaigting ang kampanya laban sa panganib ng illegal na droga.

“Kung kulang ang mga operatiba ng PDEA na umiikot sa mga komunidad malabong magtagumpay ang ating kampanya laban sa illegal na droga,” ani Marcos.

Nauna rito na-alarma ang senador matapos iulat ng PDEA na 92 porsyento ng mga barangay sa Metro Manila ay apektado na ng illegal na droga. Dahil dito nanawagan ang senador na ituon ng ahensya ang kampanya nito laban sa malalaking sindikato ng droga.

“Ang mga field agents ay mayroong mga sariling sources na makapagbibigay ng impormasyon na maaaring magamit ng PDEA para masakote ang malalaking sindikato ng droga sa bansa,” ani Marcos.

Ang masaklap aabot lamang ngayon sa 892 ang mga field operatives ng PDEA na nakakalat sa 17 regional offices ng ahensya.

“Talagang kulang na kulang ang ating mga field operatives. Dapat din nating bigyan ng kakayahan ang PDEA na gawin ang misyon nila,” dagdag ng senador.

Ayon kay Marcos bubusisiin niya ang 2016 budget ng PDEA sa pagtalakay nito ng Senado upang malaman kung papaano maaaring madagdagan ang plantilla position para sa mga field operatives ng ahensya.

Bukod pa rito, sinabi rin ng senador na dapat ayusin ng PDEA ang reward system nito upang makakuha ng impormasyon laban sa mga sindikato ng illegal na droga.

Maliban dito, dapat din umanong pasiglahin ng PDEA ang pakikipagtulungan nito sa mga opisyal ng barangay at mga community volunteers upang lalong mapalakas ang kampanya laban sa illegal na droga.

Back to Blog