DA dapat iangat ang nakabiting kinabukasan ng magsasakang apektado ng desisyon sa Bt talong

Hinimok ni Senador Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. ang Department of Agriculture na maglatag ng kagyat na tulong sa halos kalahating-milyong magsasaka na pinangangambahang dadapa ang kabuhayan dahil sa desisyon ng Korte Suprema na pigilin ang field testing ng Bt (Bacillus Thuringiensis) talong.

Pinawalang bisa rin ng naturang desisyon kaugnay sa talong na genetically-engineered para maging matibay sa peste ang Administrative Order No. 8, series of 2002 ng DA na nagtatakda ng polisiya ng gobyerno sa biosafety at genetically-modified organisms (GMO).

Pinigil din ng korte ang aplikasyon para sa field testing, contained use, pagpaparami at importasyon gn GMO habang wala pang kapalit na administrative order ng DA tungkol sa mga GMO.

“Dahil sa desisyong ito, lalo pang nanlumo ang sektor ng agrikultura na nakayuko na pero dapat tayong sumunod. Bagamat malamang i-apela ang desisyon ang sigurado lamang ay maraming magsasaka ang maghihirap at dapat agad silang tulungan ng DA,” ani Marcos.

Ayon sa mga estudyante ng agri-science ng bansa aabot sa 415,000 mga magsasaka ang apektado ng desisyon ng korte na kabilang sa P90-bilyong industriya ng mais, partikular yung mga nagtatanim ng Bt mais sa may 831,000 hektaryang taniman sa bansa.

Malamang din umanong maapektuhan ang mga nag-aalaga ng hayupan dahil marami sa mga ito ay nag-aangkat ng mga pakain na may kasamang GMO katulad ng mais at soybeans.

Kasama rin sa mga pinanganambahang apektado ang mga magsasakang nagtatanim ng may 75 aprubado nang biotech na pananim tulad ng alfalfa, canola, bulak, patatas, palay, soybean, at sugar beet.

“Hanggang hindi nababago ang desisyon ng korte dapat suportahan ng DA ang mga apektadong magsasaka kabilang na ang libreng seeds, magaang pautang, mga technical experts, para matulungan sila na makabangon agad,” ani Marcos.

Sa kanyang probinsya na Ilocos Norte, na dumidepende ng malaki sa agrikultura, marami sa kanyang kababayan ang nagpahayag sa kanya ng pagkabahala. “Kami ay nababahala sa pangyayaring ito kaya nga hanggang hindi pa nababago ang desisyon ng Korte Suprema, dapat ay may alternatibong programa ang DA sa ating mga magsasaka na maapektuhan nito, ” tinuran ni Marcos.

Kabilang sa mga itinutulak ni Marcos ang karagdagang suporta ng gobyerno sa sektor ng agrikultura kung saan kabilang ang 70 porsyento ng mga mahihirap sa bansa.

Para matulungan ang mga magsasaka iminungkahi ni Marcos ang pagbubuhos ng pondo para sa “business-driven infrastructure” para maayos ang mga daan at transportasyon, magkaroong ng sapat at mas murang kuryente at dagdagan ang sistema ng patubig sa bansa.

Back to Blog