Cover up sa tanim bala kinondena ni Sen. Marcos

Read the English version here.

Hindi matigil ang “tanim bala” dahil imbes na harapin ang problama tila pinipilit pang pagtakpan ito ng gobyerno, ayon kay Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

“Ang problema kanya-kanya silang takipan, hindi nila talaga hinanapan ng solusyon ang problemang ito,” ani Marcos sa weekly media forum na “Kapihan sa Senado”.

Ang masakit pa ang binalingan ng sisi ng gobyerno ay ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na umano’y nagdadala ng bala bilang agimat at ipinagtanggol naman ang mga airport screeners at pulis sa pagsasabing ipinapatupad lamang nila ang mga batas para sa kaligtasan ng lahat.

“Bastat ang reaction ng gobyerno mali e, hindi ko maintindihan. Imbes na gusto nilang ayusin ang problema gusto nilang pagtakpan ang problema, dapat ugatin ang pinanggagalingan.” ani Marcos.

Ito ang dahilan kaya lalong lumalala ang problema, ayon sa senador.

“Ang problema ay wala sa OFW; ang problema ay nasa organisasyon na pinapabayaang magpatuloy ang “tanim bala”kahit na nga napaulat na ang mga ito sa media. Talagang wala na silang takot,” ani Marcos.

Lumalakas ang loob ng sindikato ng “tanim bala” dahil noong pumutok ang kontrobersiya ang unang reaksyong ng gobyerno ay ginagawa lamang ng mga airport officials ang kanilang trabaho at itinanggi na mayroong sindikatong nambibiktima ng mga pasahero, ayon kay Marcos.

Bukod dito, wala pa ni isang nasibak sa trabaho sa airport dahil sa kaugnayan sa “tanim bala”, dagdag pa ng senador.

“Magtataka pa ba tayo kung bakit patuloy na namayagpag ang sindikato?” giit ni Marcos.

Sa kabila ng pagtanggi ng gobyerno, kabaliktaran naman umano ang isinasaad ng mga ulat ukol sa hiwalay na imbestigasyon na ginagawa ng National Bureau of Investigation ukol sa “tanim bala”, ayon sa senador.

Back to Blog