COMELEC dapat imbestigahan ang umano’y irregularidad sa Overseas Absentee Voting

Nanawagan ngayon si Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa Commission on Elections na imbestigahan agad ang ulat ng umano’y diperensya sa mga ibinoto sa balota at ng resibo sa ginaganap na Overseas Absentee Voting.

Imbes na takuting pwedeng makasuhan ng election offense ang mga nagrereklamong Overseas Filipino Workers sinabi ni Marcos na dapat busisiin na lang ng Comelec kung totoo ang mga naturang alegasyon para malaman ang katotohanan dito.

Ayon sa ilang report may mga resibe na walang boto para sa presidente pero may ibinoto naman sa balota, samantalang may ilan namang nagsabi na ang nakalagay sa resibo ay iba sa mga pangalang ibinoto sa aktwal na balota.

“Bawat boto ay sagrado at isang reklamo lamang sa posibleng pagpalya ng makina o pandaraya ay nakakabahala na. Kaya dapat lamang mag-imbestiga na ang Comelec dahil katungkulan nila na siguruhing malinis ang halalan na ang resulta ay ayon sa kagustuhan ng ating mamamayan,” ani Marcos.

Imbes na sabihin agad na walang basehan ang mga naturang reklamo, sinabi ni Marcos na dapat i-dokumento ng Comelec ang bawat isa at imbestigahan para maayos agad kung may problema at hindi magkaroon ng duda sa resulta ng halalan sa Mayo 9.

“Nagpapakita lamang ito na interesado ang ating mga OFW na makilahok sa halalan at siguruhing malinis ito. Dapat nga matuwa ang Comelec na handa ang ating mga OFW na tumayo at ipagtanggol ang halalan laban sa anumang masamang balak na i-manipula ang resulta nito,” ani Marcos.

Importanteng gumalaw ang Comelec, ani Marcos, dahil hindi lahat ng partido o kandidato ay kayang magsagawa ng kanilang sariling pagsisiyasat sa ganitong mga reklamo na lumabas simula noong mag-umpisa ang OAV noong April 9.

“Kung magkakaroon ng duda sa resulta ng halalan ay hindi rin magiging matatag ang tiwala nila sa mga nanalong opisyal at hindi ito magiging maganda para sa buong sambayanang Pilipino,” giit ni Marcos.

Back to Blog