Cojuangco nanawagan sa mga taga-Pangasinan na suportahan si Sen. Marcos sa pagka bise presidente

Nanawagan si dating Pangasinan 5th district Rep. Mark Cojuangco na kandidato sa pagka-gobernador ng probinsya sa mga Pangasinense na magkaisa at suportahan ang kandidatura sa pagka-bise presidente ni Senator Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr.

Sa kanyang mensahe sa 11th Barangay Health Workers District Congress sa Plaza Enrique Braganza sa Alaminos city kung saan panauhing pandangal ang senador, sinabi ni Cojuangco na si Marcos ang pinaka nararapat sa posisyon dahil sa malawak na karanasan sa buhay at serbisyo publiko.

“Sana po ay huwag nating pabayaan na lumagpas itong ating pagkakataon na muli maipakita natin sa buong Pilipinas na meron tayong pagkakaisa dito sa Norte, meron tayong pagkakaisa dito sa Pangasinan. Suportahan po natin ang kandidatura ni Senator Bongbong Marcos for Vice President,” ani Cojuangco.

Ayon kay Cojuangco ang karanasan ng isang tao ang magsasabi kng ano ang kaya niyang gawin para magsilbi sa kapwa.

“Itong tao pong kasama natin, ang ating kapatid, ang ating kaibigan, ay isang anak po ng Norte, isang taong naging malapit sa kapangyarihan, ngunit naging api rin. Kaya alam ko po na itong taong ito ay grounded in reality. Ibig sabihin po, totoong tao ito, hindi po ito puro ideya lang,” ani Cojuangco.

Kinumpirma ng pag-endorso ni Cojuangco ang sinasabi ni Marcos na nagkaisa ang malalaking pamilya ng pulitiko sa probinsya, kahit pa nga nasa magkabilang kampo, sa kanyang mensahe ng national unity at nangako ng suporta sa kanyang kandidatura.

Para sa 2016 elections ang dating magka-sanggang pamilya ni Cojuangco ay magbabanggaan subalit pareho silang susuporta kay Marcos.

Dahil sa matagal nang pagtulong sa lalawigan at bilang isang taga-Norte si Marcos, sinabi ni Cojuangco na maliwanag ang natural na pagmamahal ng mga taga-Pangasinan sa kanya. Maliban kay Cojuangco nagpahayag din ng suporta kay Marcos si Abono party list Rep. Conrado Estrella III.

Nagpasalamat naman si Marcos sa mga matagal nang kaalyado at kaibigan sa Pangasinan sa kanilang pagbuhos ng suporta sa kanya.

“Second generation na ito dahil si Ambassador (Eduardo) Cojuangco (Jr.) malapit sa tatay ko; si ‘Tata Condring’ na lolo ni Congressman Estrella ay siya ang namuno ng land reform program nung panahon ng aking ama.Mabuti at nakikita at andyan pa sila para sumuporta sa akin,” ani Marcos.

Ayon sa senador mahalagang makuha niya ang solidong suporta ng Pangasinan, na isa sa may pinakamaraming bilang ng botante sa bansa, para sa kanyang kampanya na palakasin ang “Solid North” na magsisilbing ehemplo ng kanyang panawagan para sa “national unity”.

Samantala, si Marcos ang nanguna sa mga vice presidentiables sa isang survey ng 1,500 residente ng Pangasinan. Sa naturang survey na ginawa mula Enero 10 hanggang 19, 2016 sa 5 lungsod at 43 munisipyo, nakakuha si Marcos ng pinakamataas na puntos na 41.5 percent.

Sinundan siya ni Senador Francis Escudero na malayo sa 25.4 puntos at sunundan ni Senador Allan Peter Cayetano na may 13.3 porsiyento. Si Camarines Sur Cong. Leni Robredo ang nasa pang-apat na puwesto na may 7.6 porsiyento na sinundan ni Senador Gringo Honasan may 6.9 puntos at Senador Antoio Trillanes na may 5.3 puntos.

Ang non-commissioned survey, ginawa ng Issues and Advocacy Center at Data Advisors ay may 2.8 percent margin of error at 98 percent accuracy.

Back to Blog